Pagkalinga ng gobyerno kailangan ng mamamayan

BINABAHA lahat ngayon: mga bahay, eskuwela, kalsada, palayan, ilog, pabrika, dam at iba pa.

Ito’y dahil sa grabeng ulan na idinating ng bagyong Gener, habagat at pagtaas ng tubig-dagat.

Iba pa ang mga baha na pinararating ng mga malalakas na alon mula sa mga karagatan at lawa.

MGA PATAY DUMARAMI

Pagkalunod sa baha ang pangunahing ikinasasawi ng ating mga kababayan. Ngunit mayroon ding biktima ng landslide, kidlat at iba pa.

Nasa 14 na ang naitatalang namatay dahil sa masamang panahon na ilang araw na humagupit sa buong bansa. Sa Visayas at Luzon matatagpuan ang mga nasawi.

Masakit na isiping nagkakaroon ng ganitong mga pangyayari.

MILYONG BIKTIMA

Daan-daang libo ang sinasabing biktima ng masamang panahon, ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council.

Mahigit 200,000 libong katao umano ang direktang  natamaan ng bagyo, habagat baha at landslide.

Pero para sa atin, milyon-milyong katao. Sa Metro Manila lamang, milyon katao ang natamaan ng mga pagbaha sa Navotas, Malabon, Valenzuela.

Sa hilagang Luzon na kung ilang araw na binigwasan ng bagyong Gener, milyong magsasaka, mangingisda at residente ang nasiraan ng buhay at ari-arian.

Tumigil din ang buhay ng mga nasarhan ng mga kalsada, ang mga na-stranded na pasahero ng mga eroplano, barko at panlupang sasakyan. Milyong mag-aaral din ang nadiskaril sa pag-aaral dahil sa baha at katakot-takot na trapik sa mga daan.

At oo ang mga negosyante, marami sa kanila ang nagsara o nalugi kaya.

Ganyan katindi, mga Bro,  ang pinsalang ipinarating ng masamang panahon.

BILYON-BILYON ANG HALAGA

Kung pagsasama-samahin, mga Bro, ang pinsalang tinamo ng mamamayan dahil sa masamang panahon, hindi lang daan-daang milyong piso.

Bilyon-bilyong piso yan.

Totoo na binibigyan ng halaga ang mga nasirang pananim, bahay, alagang hayop at iba pang mga ari-arian.

At karaniwang daan-daang milyon ang mga ito.

Pero kung isasama ang pinsala ng mga obrero na hindi nakapasok sa trabaho, ang mga bata na hindi nakapasok sa mga paaralan, ang hindi pagbiyahe ng mga tsuper, negosyante at iba pa, bilyon-bilyon ang halaga niyan.

GUTOM AT PAGHIHIRAP

Nangangahulugan lahat ng pinsala ang malawakang gutom at paghihirap sa maraming lugar.

Sa ibang salita, milyon ang bilang ng mga nagugutom at naghihirap.

Bukod sa pagkalugi sa puhunan ng mga magsasaka, mangingisda at negosyante, basta nawalan na lang din ng kita ang milyong obrero na hindi nakapasok sa trabaho o pinagsarhan ng kanilang mga pinapasukan.

PAG-ALALAY NASAAN?

Sa ganitong kalagayan, ang mga opisyal ng bayan at ang pamahalaan ang inaasahan ng mamamayang nagugutom, naghihirap at nalulugi na umalalay.

Nasaan ang pagmamalasakit ngayon ng mga ito?

Magandang tanawin natin, mga Bro, kung nasaan sila sa ganitong mga pangyayari.

Gusto nating malaman kung ang kanilang mga pork barrel, halimbawa, ay kanilang kaltasan upang tuwirang mailagak ang mga ito para sa mga kagyat na kailangan ng mamamayan.

Paano kikilos ang gaya ng Social Security System, Government Service Insurance System at mga bangko ng gobyerno para madugtungan ang buhay at hanapbuhay ng mamamayan?

Ang mga ahensya na katulad ng Department of Social Welfare and Development at mga lokal na sangay nito, ano-ano ang maaasahan sa mga ito?

MAGPUHUNAN SA MAMAMAYAN

Tinatalakay natin ang ugnayan ng mga opisyal at pamahalaan at ang mamamayan sa mga oras ng kagipitan at kalamidad para sabihin sa una na pinakamahalaga sa lahat ang mamamayan.

Ang nangyayari kasi, mga Bro, sa pagtulong ng mga opisyal at gobyerno sa mamamayan, ang inaangat ay ang kanilang mga sarili.

Ang mga opisyal karaniwan ay iniuugnay sa pulitika ang kanilang mga sarili. ‘Yun bang ===tumutulong sila para maalaala sila sa mga halalan.

Ang gobyerno naman, ang mga ahensya nito, kung tumulong ay itinuturing ang mamamayan na may utang na loob.

Hindi naiisipan ng mga opisyal diyan na galing sa mamamayan ang dumadaloy na dugo at buhay ng gobyerno sa pamamagitan ng mga buwis at pagpapahirap sa kanila gaya ng multa at kung ano-ano pa.

Kung aalalay ang mga opisyal at gobyerno sa mamamayan, dapat na ituring ang huli na pinakamalaki at pinakamahalaga sa lahat ng puhunan at kabalikat.

Kung ihihiwalay ng mamamayan ang kanilang mga sarili sa mga opisyal at pamahalaan, diyan ramdam na ramdam ng pamahalaan ang kawalan nito ng silbi at kapangyarihan.

EDSA AT MGA HALALAN

Nitong nakaraang halalan na gamit ang mga PCOS machine, nakita ang kapangyarihan ng mamamayan na humiwalay sa nakatayong gobyerno. Nakita kung paano inayawan ang maraming opisyal at gobyerno sa pamamagitan ng balota.

Sa pamamagitan ng mga pag-aalsang EDSA, naipamalas din ng mamamayan ang kanilang mga sarili na kaiba sa pamahalaan.

Kaya nga, sa mga oras ng kagipitan at kalamidad, ito ang pagkakataon na dapat iparamdam ng mga opisyal at pamahalaan ang pagkalinga nila sa mamamayan.

Kung mangyayari ito, matik na kikilos ang lahat para ibangon ang buong pamahalaan kung nadarapa ito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply