Paglilinis sa Manila Bay aabutin ng isang buwan

POSIBLENG umabot pa ng isang buwan bago tuluyang malinis ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development authority (MMDA) ang tambak na basura sa baybaying dagat sa Roxas Boulevard sanhi ng malawakang pagbaha, halos isang buwan na ang nakalilipas na dulot ng habagat.

Sa pahayag ni MMDA General Manager Corazon Jimenez, umabot na sa mahigit 300 truck ng basura ang kanilang nahakot na katumbas ng mahigit dalawang libong tonelada mula nang simulan nila ang paglilinis sa baybaying dagat ng Manila Bay.

Napag-alaman na may 70 kawani ng MMDA ang araw-araw na nag-aalis ng mga basura sa baybaying dagat, sa tulong na rin ng mga dala nilang heavy equipment at ilang kawani ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila.

Umapela na rin si Jimenez sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng hindi pagtatapon ng kanilang basura sa mga daluyan ng tubig lalo na ang mga plastic at iba pang hindi nabubulok na basura na karamihan sa nakukuha nila sa Manila Bay.

Sinabi naman ni MMDA Solid Waste Management Office Chief Alexander Umagat na ang mga nakokolekta nilang basura sa baybaying dagat ay dinadala nila sa Pier 18 upang isakay sa gebara o barges na magdadala naman sa kanilang dumpsite sa Tanza, Navotas.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply