‘Pagpapasabog’ ng DPWH sa mga nakatira sa waterways, binatikos ng obispo

PINAGHIHINAY-HINAY ng isang arsobispo ng Simbahang Katoliko si Pangulong Benigno Simeon Aquino III at mga cabinet member nito sa paggamit ng mga salitang kanilang binibitawan sa publiko.

Ito’y kasunod nang umano’y sinabi ng Pangulo na ‘pasasabugin’ nila kung kinakailangan ang lahat ng mga nakatira at humaharang sa daluyan ng tubig sa Metro Manila kapag hindi sila umalis sa takdang deadline na ibinigay ng gobyerno.

Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson na nagbigay ng kautusan ang Pangulo na alisin ang mga tahanan na iligal na itinayo sa mga daanang-tubig, at pasabugin ang mga ito kung kinakailangan, bilang bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na masolusyunan ang mga problema sa baha sa bansa.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, hindi maganda para sa isang Pangulo na magbitiw ng mga ganitong salita, na tila ba galing sa isang digmaan o giyera sa bansang Syria.

Iginiit din ni Cruz na dapat linawin ng pangulo at mga kaalyado nito kung saan nila ililipat ang mga taong nakatira sa mga tabi ng ilog, mga estero, at mga kanal.

Binigyang-diin pa ni Cruz na kawalan ng konsensiya kung basta-basta na lamang ‘itatapon’ ng pamahalaan kung saan-saang relocation site, na binabaha din naman, ang mga taong kanilang ire-relocate.

“Ako, kung narinig ko yang salitang yan na pasabugin ang mga nakatira sa mga daluyan ng tubig sa mga estero, si PNoy man ang nagsabi niyan o kanyang mga alipores, aba ano ito?  Ito ba ay galing sa giyera na nabuhay ng mayroong mentality ng giyera na walang alam kundi pasabog dito, pasabog doon. Patay dito, patay doon. So, ako’y nahihirapan kung saan galing ang mama, anong mentalidad at kultura mayroon yung mama!” ani Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Isa pa, kawalan ng konsensya kung basta na lamang alisin ang mga residente na walang malinaw at real solution ang gobyerno sa kanila. Huwag lang papel na plano kundi dapat reyalidad!” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, nagbabala ang arsobispo na maaaring pagmulan ng malaking gulo kapag iginiit ni PNoy na alisin ang mga nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig na walang maayos na paglilipatan sa kanila.

“Hindi ko sinasang-ayunan ang ganyang gawain sa  ating mga mamamayang pobre pero kapag ginawa nila yan, subukan nilang gawin yan, naku malaking gulo yan,” ayon pa kay Cruz.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply