Pagpatay sa human rights lawyer inako ni Laciste

TULUYAN nang natanggalan ng maskara ang mga taong nasa likod ng pagpaslang kay Atty. Ernesto Salunat, human rights lawyer ng Nueva Vizcaya matapos ibunyag ito kahapon (Agosoto 28) ng naarestong pugante na si Rommel Laciste sa kanyang “extra-judicial confession.”

Sa sinumpaang salaysay ni Laciste sa harap ni Atty. Ronald Brillantes kahapon, isiniwalat nito na nagawa nitong paslangin si Atty Salunat noong ika-22 ng Hulyo 2010 kapalit ng P100,000 na galing umano sa isang dating Hukom ng Nueva Vizcaya.

Naisakatuparan umano ni Laciste ang pagpatay sa biktima sa kabila ng pagkakakulong nito sa Panlalawigang Piitan ng Isabela matapos siyang tulungang makalabas ng isang jail guard na si Judy Celestino.

Idinagdag pa nito na sa tulong ng nasabing jail guard ay naka-apat na beses siyang nakalabas-masok sa nasabing bilangguan, una ay nang utusan umano siyang itumba ang isang Kapitan sa Cabagan, Isabela ngunit nabigo ito, pangalawa ay ang tangkang pagpatay sa isang tao na nakilala lamang sa apelyedong Carera sa lungsod ng Cauayan at pinakahuli ay ang dalawang beses na paglabas nito para tiktikan at paslangin si Atty. Salunat.

Ayon pa kay Laciste, isang Aries Valentine ang nagsisilbi umano niyang driver at tagaturo sa kanilang bibiktimahin.

Sinabi ni PRO2 RD Atty. Rodrigo Purisima de Gracia na ang pagkakadakip ni Laciste at ang pag-amin nito sa kanyang kasalanan ay magsisilbing daan sa ikalulutas ng kaso at mapanagot ang mga taong nasa likod nito.

Matatandaan na ang nasabing indibidwal ay naaresto ng pulisya sa isang bodega ng palay sa bayan ng Naguillan, Isabela matapos ang halos dalawang Linggo nitong pagtatago sa batas mula ng ito ay pumuga sa Maximum Security Prison noong August 15, 2012 kasabay ng pagtakas ng kontrobersyal na si Rolito Go.

Si Laciste ay hinatulan ng Regional Trial Court sa lalawigan ng Isabela noong 2006 sa kasong pagpatay kay Concepcion Lumanglas, Assistant Parole and Probation Officer at sa isa pang kasong pagpatay sa isang magsasaka na si Florendo Reyes ng San Mariano, Isabela.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply