Pagsasanay sa mga matadero, inilunsad sa Heritage City ng Vigan

LUNGSOD NG VIGAN – Naglunsad muli ang lokal na pamahalaan ng Heritage City ng pagsasanay sa pagkakatay ng baboy at baka o pagiging matadero para sa mga kabataang residente ng Vigan na ginaganap ngayon sa “Escuela de la Matadores.”

Ayon kay Mayora Eva Marie Singson Medina, umabot sa 40 kabataan na di nakapagtapos ng kolehiyo at walang trabaho ang napili mula sa mga pinakamahihirap na pamilya sa lungsod at nagsasanay ngayon sa naturang paaralan tungkol sa sining o paraan ng tamang “slaughtering” o pagkakatay ng hayop tulad ng baka at baboy.

Sinabi ng mayor na ang pagsasanay ay tatagal ng pitong linggo o 280 oras para mas lalo pang maging bihasang matadero ang mga ito sa tulong ng mga beteranong partidor sa lungsod at mga eksperto mula sa Technical Education and Skills Development Authority.

Sila ang bumubuo ng Batch 22 na nagsanay sa Escuela de la Matadores, na ngayon ay may humigit-kumulang nang 500 nagsipagtapos na karamihan ay nakapasok nang mga partidor sa mga slaughter houses sa iba’t ibang lalawigan ng bansa at sa ibayong dagat.

Samantala, patuloy rin ang pagsasanay ng mga aplikante sa mga call centers sa Vigan Skills Training Institute (VSTI) para matulungan silang makapagtrabaho sa mga kompanya sa Maynila o iba pang lalawigan pati na sa ibang bansa.

Hindi lamang mga taga-Vigan ang mga nagsasanay sa VSTI kundi pati na rin mga trainees mula sa iba’t ibang bayan sa Ilocos Sur.

May mga ilang malalaking kumpanya mula sa Metro Manila kabilang na ang IBM Philippines ang nagre-recruit na ng mga aplikante mula sa Vigan.

Sinabi pa ng mayor na prayoridad ng kanyang administrasyon hindi lamang ang pagtataguyod ng turismo kundi sa pagpapaunlad din ng pamumuhay ng mga maralitang taga-Vigan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply