Palsipikadong calamity loan ni Noynoy

HINDI na biro ang nangyayaring sunod-sunod na mga kalamidad sa bansa.

Ang masakit pa nito sa bawat isang mapaminsalang kalamidad na dumarating, siguradong mas matindi pa ang kasunod nito dala na rin ng iba’t ibang kadahilanan gaya ng climate change at global warming.

Sa totoo lang ay nagbabala na ang mga eksperto na paulit-ulit na mangyayari pa ang kalamidad na gaya ng mga killer floods tulad noong bagyong Ondoy at maging itong pinakahuli na kung saan ay daan-daan ang mga namatay dahil sa malakas na mga pag-ulan na dala ng hanging habagat.

Matindi ang hagupit ng habagat na iyon na nagresulta sa malawakang pagbaha sa maraming panig ng bansa at pagkamatay ng daan-daang mga tao. At dahil nga sa tindi ng trahedya na iniwan ng pagbaha ay naobliga si Pangulong Noynoy Aquino na ilagay sa ilalim ng state of calamity ang maraming bahagi ng bansa.

Marami ang natuwa lalo na ang mga apektadong government employee sa deklarasyon ni Noynoy.

Ibig sabihin noon ay puwede silang mag-apply para sa calamity loan na inaasahan nilang aabot sa P20,000.00 para makapagsimulang muli.

Pero maraming nag-apply sa loan ang umuwing luhaan dahil lumalabas na may utos din naman pala si Noynoy na ang mga empleyado lang na may monthly take home pay na aabot sa P5,000.00 ang puwedeng mabigyan ng loan.

Susmaryosep naman! Anong klaseng calamity loan iyan na binaha ka na nga at lahat ay may requirements pa?!

Laki kasi sa yaman si Noynoy kaya hindi niya alam at hindi niya naranasan sa mga magulang niya na mabuhay sa pangungutang .

Ang hindi alam ni Noynoy ay mahigit 90 porsiyento ng may 1.5 milyong kawani ng gobyerno ang nabubuhay sa pangungutang at marami ang isinasangla na ang suweldo nila kahit hindi pa nila naipapasok sa trabaho.

Kaya ang resulta pagdating ng araw ng suweldo ay pay slip na lang ang hawak nila at obligado silang mangutang ulit para sa susunod na payday naman ang bayad.

Kaya naman pag may ganyang mga programang pautang ang pamahalaan ay sinasamantala nila, pero dahil nga sa utos ni Noynoy ay pakiramdam nila ay para silang basang sisiw na pinabayaan ng gobyerno.

Galit sila sa kautusan ni Noynoy na iyon at hiling nila na sana daw ay bawiin na niya ito agad.

Dahil kung hindi daw niya ito babawiin ay lalabas na peke at papogi lang ang calamity loan na una na niyang ipinagyabang na ibibigay sa mga biktima ng pagbaha.

Pakiusap ko lang kay Noynoy ay bawiin na niya ang kautusan niyang ito dahil siguradong maraming kalamidad pa ang darating at kawawa naman ang mga apektadong empleyado kundi sila matutulungan ng gobyerno.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply