Pamamahagi ng NFA rice sa evacuees, pinatitigil

IPINATITIGIL na ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pamamahagi ng may 500 sako ng bigas sa libo-libong evacuees na biktima ng kalamidad matapos matuklasan na halos nabubulok na ang nai-deliver sa kanila ng pinagbilhang trader na may akreditasyon sa National Food Authority (NFA).

Pinag-aaralan ng kampo ni Cayetano ang pamamaraan upang maisauli ang nabili nilang sako-sakong bigas at hihingan din nila ng paliwanag ang NFA kung bakit pinahintulutan ang pagbebenta ng nabubulok na bigas na posibleng makasama pa sa kalusugan ng kanilang mamamayan.

Natuklasan lamang ng mga tauhan ng alkalde ang hindi magandang klase ng bigas na binili nila sa isang mangangalakal na accredited ng NFA sa San Pedro, Laguna nang magreklamo ang evacuees sa masangsang na amoy ng bigas na hindi nila halos makain.

Nang buksan ng mga tauhan ng alkalde ang ilang mga sako ng bigas, naninilaw na ang mga ito at kahit limang hugas na umano ay hindi pa rin matanggal ang mabahong amoy.

Napag-alaman na nakalagay pa sa sako na bahagi ito ng inangkat na bigas ng NFA noong taong 2010 sa bansang Korea.

Inamin naman ng NFA na hindi na ligtas kainin ang naturang mga bigas na posible umanong bahagi ng inangkat noong taong 2009 at inimbak lamang ng mga mangangalakal ng matagal sa kanilang bodega.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply