‘Pangangampanya’ ng LP senatoriables binatikos

BINATIKOS ng isang church leader ang mistulang pangangampaniya ng mga kaalyado ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na sumama sa pangulo habang namamahagi ng relief goods para sa mga taong sinalanta ng mga pagbaha na dulot ng habagat.
Sinabi ni Association of Major Religious Superior of the Philippines for men (AMRSPM) chairperson Fr. Marlon Lacal na malinaw na sinasamantala ng mga kaalyado ni PNoy ang sitwasyon upang makilala ng mga tao at mahalal sa puwesto sa halalan sa susunod na taon.

Iginiit pa ng pari na kung talagang tuwid na daan ang nais ng Pangulo ay hindi niya dapat pinahihintulutan ang mga kaalyadong pulitiko na magsagawa ng publicity at media mileage sa kasagsagan ng trahedya at kalamidad.

Nanindigan pa si Lacal na ang dapat na kasama ni PNoy sa relief operation ay ang kanyang mga cabinet member na may obligasyon na tumugon sa pangangailangan ng mga tao at may alam sa problema sa baha ng bansa.

“Masyado namang gutom sa media mileage….sumama at nagpa-display pa talaga sa mga tao. Do not take advantage to the situation para lang ma-propagate mo ang iyong personal political agenda! Shame on them!” ayon pa kay Lacal, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“They would show their faces together with the president to gain political mileage and recognition at the expense of the people! I appeal the President to please prioritized people agenda muna bago yung kanilang political agenda,” aniya pa.

Ilan sa mga pulitikong binatikos ni Lacal na nagsamantala sa sitwasyon ay sina dating Akbayan Rep. Riza Hontiveros-Baraquel, Customs Commissioner Ruffy Biazon, Technical Education and Skills Development Authority Secretary Joel Villanueva, at Aurora Rep. Juan Edgardo “Sonny” Angara.

Ang mga nabanggit ay napapabalitang may planong tumakbo sa pagka-senador sa halalan sa taong 2013 sa ilalim ng partido ng administrasyon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply