Pasay City assistant city prosecutor kinompronta ni Tulfo

NAGPANTING ang tainga ng beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo makaraang magpahayag ang tagausig na posibleng tinatakot niya ang isa sa mga kasama ng mag-asawang Raymart at Claudine Barretto-Santiago  na naghain din ng kasong physical injury kaya hindi dumadalo sa pagdinig.

Naunang kinuwestiyon ni Atty. Jovito Barte, abogado ni Tulfo ang hindi pagdalo kahit minsan sa pagdinig ni Eduardo Atilano, ang lalaking nakasuot ng kulay pink na nakita sa video footage na kasama sa nangyaring bugbugan noong Mayo 6 sa NAIA Terminal 3 gayung naghain siya ng demanda laban sa beteranong mamamahayag.

Binweltahan naman ito ni Pasay City Assistant City Prosecutor Theresa Burzuelo na baka tinatakot ni Tulfo si Atilano kaya hindi dumadalo sa mga pagdinig na labis na ikinairita ng beteranong mamamahayag.

Gayunman, pinigil muna ni Tulfo ang kanyang galit hangga’t hindi natatapos ang pagdinig upang hindi mabastos si Burzuelo bago niya ito kinompronta pagpasok sa kanyang tanggapan ng babaing piskal.

Humingi naman ng paumanhin si Burzuelo sa kanyang nasabi at inamin na nabigla lamang siya sa kanyang inihayag.

Inutos na rin ni Burzuelo sa abogado ni Atilano na padaluhin ito sa susunod na pagdinig sa Agosto  16 upang sagutin din ang inihain namang kasong attempted homicide laban sa kanya ni Tulfo.

Magugunita na una nang bumitiw sa kaso si Senior Assistant City Prosecutor Orlando Mariano matapos silang magkasagutan ni Atty. Vitaliano Aquirre, isa sa abogado ni Tulfo kaya’t kay Burzuelo napunta ang kaso.

Kanina ay nagsumite na rin ang magkabilang kampo ng kanilang memorandum o buod ng mga isinumite nilang mga ebidensiya at testigo sa tanggapan naman ni Pasay City Assistant City Prosecutor Manuel Loteyro kaugnay sa demandang physical injury at child abuse ng mag-asawang Claudine at Raymart laban kay Tulfo.

Ito na ang pagtatapos ng pagsusumite ng mga ebidensiya ng magkabilang panig at hihintayin na lamang nila ang ilalabas na resolusyon ni Loteyro kung ibabasura o i-aakyat sa korte ang kaso.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply