Pilot Bahinting walang lisensya – CAAP

WALA umanong lisensya ang piloto ng PiperSeneca na bumagsak sa Masbate na kasamang namatay ni Sec. Jesse Robredo at isa pa.

Ayon sa isang tauhan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), hindi nag-renew ng kanyang lisensya para magpalipad ng commercial plane at magsanay ng student pilots si Capt. Jessup Bahinting.

Sa data base ng CAAP, walang nakitang datos na nag-renew si Bahinting subalit kung mayroon man, gaya ng iginigiit ng management ng Aviatour ay di pa ito na-update sa CAAP computer database.

Sa kaso ni Bahinting na 60-anyos na, kinakailangan umanong sumailalim ito kada tatlong buwan sa medical check up, clearance sa NBI  at 10 flying hours bago mag-expire ang lisensya upang makapag-renew.

Ito marahil ayon sa inisyal na pahayag ng CAAP ang dahilan kung bakit hindi nakaupo sa pilot seat si Bahinting, nang marekober ng technical divers sa ilalim ng dagat ilang araw matapos mag-crash ang kanilang eroplano.

Isa pa anilang nakikitang dahilan ng CAAP kung bakit nasa pilot seat ang Nepalese student pilot ay dahil pinayagan ito ni Bahinting na magsilbing pilot in command upang magkaroon ng rating sa pagpapalipad ng Piper Seneca dahil hindi kasama sa rating nito bilang estudyante ang nabanggit na modelo ng eroplano.

Kumpiyansa naman ang Aviatour na pag-aari ni Bahinting na walang pagkakamali sa panig ng kanilang piloto partikular sa lisensya ng kanilang kapitan.

Kumpleto anila sila sa mga dokumento at kanilang isusumite sa tamang forum at panahon.

Ayon kay Michel Ferol, human resource manager ng Aviatour, makikita sa flight plan na narekober sa crash site na nakasulat ang license number ng piloto at expiration nito.

Magsisimula ang aktuwal na imbestigasyon ng CAAP matapos ang paglilibing kay Sec. Robredo at dalawang piloto.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply