Pinagpapala ang inaapi

MEDYO iibahin ko muna sa ngayon ang tema ng aking tatalakayin.

Parang hindi ko kasi matiis na hindi bigyan-pansin ang mga magandang bagay na nangyayari ngayon sa buhay at pamilya ng kawawang MMDA traffic enforcer na si Saturnino Fabros.

Sa mga hindi pa nakaaalam, si Fabros ang traffic enforcer na ginulpi at kinawawa ng mayaman pero mayabang na si Robert Blair Carabuena.

Malas lang si Carabuena dahil nakalimutan niya na high tech na ang panahon natin ngayon at halos lahat ng tao ay may mga camera  na puwedeng magdokumento anomang oras at araw ng mga nangyayari sa paligid.

Nagtataka lang ako dahil sa pagitan nina Carabuena na isang executive ng Philip Morris cigarettes at Fabros, sigurado ako na si Carabuena ang siyang nakapag-aral.

Pero gaya nga ng nakita ng buong mundo,  lumabas sa nangyari na si Fabros ang mas edukado  at si Carabuena na naka-Volvo pa man din ang mal-edukado at isang sanggano.

At dahil sa ipinakitang kababaang-loob ni Fabros ay marami ang naawa sa kanya at habang inuulan ng batikos at kamalasan si Carabuena, dinaragsa naman ng grasya at papuri ang hamak na MMDA traffic enforcer.

Ang huli kong alam ay sinuspinde na ng kompanya niya si Carabuena at kabaligtaran naman kay Fabros na nabigyan naman ng promotion.

Dahil nga naging poster boy ng MMDA si Fabros ay marami ang nagkainteres na malaman ang personal na buhay niya.

At doon nagulat ang marami dahil pinagkakasya lang pala ni Fabros na isang biyudo na buhayin sa napakababang suweldo ang walong anak niya na pawang mga babae.

Kaya naman nang maisapubliko ang buhay niya ay dumagsa ang nagpadala ng tulong at suporta sa kanya at sa huling balita ay nagkaroon ng make-over ang bahay niya.

Mismong mga kasamahan niya sa MMDA ang nag-repair ng bahay niya kaya naman mas maayos at maganda na ngayon ang kanilang tirahan ng pamilya niya.

Sa mga nangyayari kina Carabuena at Fabros, naniniwala talaga ako sa kasabihan na hindi natutulog ang Diyos at nagbibigay siya ng gantimpala sa mga taong nagpapakumbaba at kumikilala sa kanya.

Ayos ba Pareng Nats Taboy?!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply