PNoy ipinapahamak ni Biazon at inutil sa SBMA

HINDI smuggled ang halagang P450 M bigas na ipinagyayabang ni Customs Commissioner Ruffy Biazon na kanyang sinamsam kamakailan. Mismong si National Food Authority (NFA) Chief Lito Banayo na ang nagsabi na, gaya ng makailang ulit na nating sinasabi rito, hangga’t hindi inilalabas sa Subic Freeport ang bigas, wala pang smuggling na nagaganap.

Ito Ang Totoo: hindi kailangang maging henyo para maintindihan ito. Nabulagan kasi sa pagnanasang makaporma para mapasama sa senate slate ng administrasyon para sa darating na eleksiyon kaya kahit wala sa lugar, tumirada ang isip-batang si Biazon, sukdulang maperhuwisyo ang Subic Freeport at mga nagnenegosyo rito.

Kundi ba naman talaga hari ng sablay, ipinangalandakan pa ni Biazon na si Pangulong Noynoy Aquino raw mismo ang nagtimbre sa kanya ka-ugnay ng rice shipment. Ano ang ibig palabasin ni Biazon, si PNoy ang bugok at sumusunod lang siya sa kabugukan ng Pangulo? Ang malinaw dito, mailigtas lang ni Biazon ang puwet niya, idinadawit pa pati ang pangulo ng Pilipinas sa kapalpakan niya.

Sa kaganapang ito, lumantad rin na ang Board ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), sa pangunguna ni Chair & Administrator Roberto V. Garcia, ay inutil na sunod-sunuran lang sa kapritso ng nakapaligid kay PNoy, tulad ni Biazon, sa takot na baka matanggal sa pwesto. Akalain niyo, itong si Director Philipp Camara ang gusto ay aminin na nagkamali ang SBMA sa pagtanggap sa bigas at humingi na lang daw ng paumanhin sabay pangakong maghihigpit na lang sa susunod.

Hunghang pala itong si Camara, eh. Mabuti pa si Banayo, alam ang tama at mali patungkol sa operasyon ng Freeport. Ito Ang Totoo: malinaw na walang malasakit sa SBMA at Freeport si Garcia at tulad ni Camara at iba pang miyembro ng SBMA Board, puwesto lang niya ang pinangangalagaan niya.

Mangilan-ngilan lang sa appointee ni PNoy sa SBMA board ang talagang may alam at malasakit, ang iba ay puro porma at may mga corrupt pa. Kalusin na rin, Ginoong Pangulo, ang mga deputy administrator at manager tulad ng mga naka-leave kaugnay ng rice shipment issue na sina Stefani Sano at Redentor Tuazon na matagal nang kuwestiyonable ang pinaggagagawa sa Freeport panahon pa ng mga naunang SBMA administration.

Ito Ang Totoo: kung sa isyu ng P450M rice shipment ay wala tayong nakikitang dahilan para masibak sina Sano at Tuazon, napakaraming ibang dahilan para huwag nang pabalikin sa pwesto ang dalawang pesteng ito, mga bagay na ilalantad natin sa susunod nating column. Ito Ang Totoo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply