PNoy: ‘Robredo, may kusang-palo sa trabaho’

MAY KUSANG-PALO at hindi na kailangan pang kalampagin ang namayapang DILG Secretary Jesse Robredo para gawin ang isang trabaho.

Sa isinagawang State Eulogy sa Basilica Minore Nuestra Senora de Penafrancia sa Naga City ay sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na nagboboluntaryo pa ang Kalihim na gawin ang isang trabaho kahit hindi na niya sakop ito.

“Iba po talaga si Jesse. Kapag mayroon tayong matinding problemang kinakaharap, palagi naman pong nandiyan ang mga taong sumosuporta at magsasabing, “Nasa likod mo kami.” Pero si Jesse po, kabilang sa mga bibihirang tao na ang sasabihin, “Sir, ako na lang ang haharap, ako na lang ang pu-pronta.” Hindi po nasa likod. Talagang kasama sa pilosopiya niya sa buhay ang hindi maging pabigat sa kapwa; ang palaging mag-ambag ng pinakamalaki niyang maiaambag, o lagpas pa, para makahanap ng solusyon,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Sinabi rin ng Pangulo na nahihiya siya sa pamilya Robredo dahil sa katatagang ipinakita ng mga ito sa taumbayan makaraang iwan ng namayapang kalihim.

“Kay Leni, at kina Aika, Tricia, at Jillian: Sa totoo lang, medyo nahihiya ako sa inyo. Kayo ang pamilya; sigurado akong pinakamabigat ang kalungkutang nararamdaman ninyo ngayon. Pero talagang pinapahanga n’yo kami, dahil kayo pa ang nagbibigay ng lakas sa amin, kayo pa ang nagbibitbit sa amin,” ayon sa Pangulo.

Humingi naman ng paumanhin si Pangulong Aquino sa asawa ni Sec. Robredo na si Atty. Leni dahil naaagaw ng trabaho nito ang oras ay dapat na inilaan na niya sa kanyang pamilya.

“Leni, alam mo naman, hindi tayo masyadong nagkakakilala, dahil na rin pinilit ni Jesse na magkaroon siya palagi ng private time kasama ang kanyang pamilya. Alam ng Gabinete ito: Sa hirap ng aming mga pinagdadaanan, ang pinakagantimpala ko po sa kanila ay paminsan-minsan ang pagpapakain ng isang kaaya-ayang hapunan. Pero pag weekend ako nagyaya ng kainan, siguradong magpapaumanhin na si Jesse. Sagrado sa kanya ang oras kasama ang pamilya. Palagi siyang nagmamadaling makauwi sa Naga,” anito pa rin.

Muli ay inulit ng Chief Executive na hindi lamang ang mag-anak na Robredo ang nawalan ng Padre de Familia kundi pati na rin ang buong DILG, ang mga nagtatrabaho sa field, ang lahat ng natulungan nito, at ang buong Naga.

Ayon pa sa Pangulo, katulad nila noong namayapa rin ang kanilang ama na si Senador Benigno Aquino, Jr. ay naranasan din nila ang tila maligaw subalit kumapit sila sa lakas at tatag ng loob ng kanilang ina na si dating Pangulong Cory Aquino.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply