PNP pipi, bingi, bulag sa peryahan sa Bulacan

KAHIT saang bayan ka magtungo sa lalawigan ng Bulacan, unang-una mong mapapansin ang mga peryahan na parang mga kabuteng tumubo sa kalsada at ang nakapagtataka lang dito ay kung bakit parang bulag, pipi at bingi ang mga tauhan ng Bulacan PNP.

Hindi lang ang mga tauhan ng Bulacan PNP ang mga inutil sa mga peryahan dito kundi maging ang tanggapan ni Gov. Willy Alvarado at ng mga mayor ng iba’t ibang bayan ng nasabing lalawigan.

Sa impormasyon ng Lily’s Files, ang mga nasabi umanong peryahan ay mga miyembro ng National Owners Organization of Mini-Fairs and Amusement Inc. (NOOMA) na pinamumunuan ng kanilang presidente na si Nora at Vice na si alyas Edith.

Sobrang lakas daw nitong grupo na ito kay Gov. Alvarado, sa mga mayor, sa mga taga-Bulacan PNP at maging sa korte.

Sabagay nagawa nilang ipalipat-lipat ang kaso na kanilang isinampa sa isang photographer na una ay dininig ang kaso sa Fiscal’s Office ng Malolos, pagkatapos ng isang pagharap ang nasabing kaso ay nailipat na ng  Pulilan at pagkatapos ay nailipat na naman ng Baliwag at ngayon ang nasabing kaso ay muli na namang ibinalik sa Malolos.

Ngayon lang yata ako nakarinig ng napakaliit na kaso pero daig pa ang  Ampatuan massacre kung ilipat lipat ng Fiscal at, take note, ha, pabago-bago rin ng kaso. Ano ba yan, sobra naman yata ang lakas nitong grupo ni Nora sa  korte, daig pa yata ang lakas ng bagyong Ondoy sa lakas sa mga opisyal at korte nitong si Nora.

Nakarating din sa inyong lingkod na kaya raw hindi ko na sinundan yung aking column tungkol sa mga iligal nitong si Nora dahil inareglo na “raw” niya ako at binigyan ng pera.

Wow, nasaan na kaya yung perang pinang-areglo raw sa akin, ang kapal din naman ng mukha nitong si Nora. Bumango ka lang sa mga mi-yembro mo  ay kung ano-ano na ang  sinasabi mo. Siguro nanghingi ka ng pera sa mga miyembro mo at sinabi mong pang-areglo sa akin.

Mabuti na lang pala at hindi ko pinatulan yung mga text at tawag sa akin nitong si Nora noong birthday ko na hinihingi ang address ko at padadalhan daw ako ng pera bilang regalo sa birthday ko. Mabuti na lang  at tinanggihan ko ang pera mo na galling sa iligal, kung nagkataon sigurado sa kadaldalan mo malamang ay na isyu na ako. Ang dapat sa iyo, Nora, ay maging maayos ka sa pakikipag-usap sa mga tao lalo na sa mga taga-media dahil alam mo sa sarili mo na isa kang iligalista.

At ito namang mga taga-Bulacan PNP, huwag kayong padadala sa kaunting barya na binibigay ng  mga may-ari ng peryahan lalo na sa grupo nitong si Nora. Huwag kayong magbubulag-bulagan, magbibingi-bingihan sa mga iligal sa inyong lugar lalo na ang mga peryahan kuno na wala namang peryang nakikita, kundi mga iligal na pasugalan lang.

At gaano rin ba katotoo na sa lalawigan lang ng Bulacan ay humigit kumulang daw sa P200,000 kada linggo ang naibibigay na intelihensiya ng grupo ng mga peryahan kabilang na ang grupo nitong si Nora sa PNP?

Bukas po ang Lily’s files Column natin para sa inyong mga reklamo , suhestiyon at komento. Mag-text lang po sa 09155683000 at 09087230036 o mag-email sa lpr_2012@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply