Polusyon, usok ng sasakyan pinatututukan

HINDI lang paninigarilyo ang dapat i-monitor ng Malakanyang at Kongreso kundi pati ang iba pang air pollutants tulad ng usok na ibinubuga ng mga sasakyan na maaaring maging sanhi ng kanser at iba pang sakit sa baga.

Ayon kay Elvis Campos ng Mamamayan Kilos: Alab ng Maralita, kung tunay ang layunin ng gobyernong bawasan kundi man tuwirang mahinto ang paninigarilyo kaya daragdagan ang buwis sa tabako, dapat ding pagtuunan ng pansin ang iba pang nakamamatay na pollutants.

Mismong si Health Secretary Enrique Ona ang umamin na ang polusyon sa hangin sa Metro Manila at iba pang siyudad ay lumala na siyang dahilan ng pagkalat ng mga sakit gaya ng allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases.

Subalit hanggang ngayon umano’y walang hakbang na ikinakasa ang gobyerno upang limitahan ang polusyon sa hangin dahil maging ang mga emission testing center sa bansa ay ginagawang gatasan ng mga kaanak ng opisyal ng gobyerno.

Aniya, ‘di makatwirang isisi lang ng gobyerno, medical groups at anti-smoking advocates sa paninigarilyo ang patuloy na paglaganap ng lung diseases sa bansa dahil kasimbagsik o mas matindi pang lason ang usok na ibinubuga ng mga sasakyan.

Batay sa 2006 National Emission Inventory ng Department of Environment and Natural Resources, natuklasan na aabot sa 65% ng air pollution ay nagmumula sa mga sasakyan samantalang 21% ay mula sa mga pabrika at pagsusunog ng basura.

Ayon kay Ona, ang nangunang 10 dahilan ng kamatayan noong 2008 dahil sa polusyon ay ang chronic lower respiratory diseases, heart disease at pneumonia at may 200,000 Filipino ang namamatay taon-taon dahil naman sa mga hindi nakahahawang sakit.

Nitong Hunyo lang ay iniulat ng World Health Organization (WHO) na ang usok mula sa diesel engines ay nagiging sanhi ng kanser dahil ang masamang epekto nito ay katulad din ng asbestos, arsenic at mustard gas.

Sa mga pag-aaral din gaya sa New Zealand ay lumalabas na daan-daang katao ang nasasawi taon-taon dahil sa pagkakalantad sa usok mula sa mga sasakyan.

May mga pag-aaral din na ang mga umaandar na makina ng sasakyan ay nagbubuga rin ng mapanganib at nakalalasong gas at kemikal kabilang ang carbon monoxide, hydrocarbons, nitrogen oxide, at particulate matter.

Ang hydrocarbons kapag ito ay nasinghot o naamoy ay nagpapalala sa sakit sa baga samantalang may exhaust hydrocarbons ang nakalalason at sanhi ng kanser.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply