Posisyon ni Robredo pinag-aawayan na

UMAPELA ang isang kongresista sa mga nagkakainteres sa pwesto ni DILG Secretary Jesse Robredo na huwag munang pag-awayan ang posisyon ng kalihim.

Tahasang sinabi ni Quezon City Rep. Winston Castelo, miyembro ng Liberal party (LP) na dapat na magkaroon muna ng ceasefire sa ulat na pinag-aawayan na diumano ang puwesto ng kalihim gayung patuloy pang nagsasagawa ng search and rescue operations.

Giit pa ni Castelo na hangga’t hindi natatagpuan ang katawan ng kalihim ay malaki pa rin aniya ang pag-asa na ito ay makaliligtas.

Si Robredo at tatlo pa kabilang ang kaniyang aide na survivor ay sakay ng 6-seater Cessna plane nang ito ay bumagsak sa karagatan ng Masbate.

Aniya, hindi rin  maganda  na habang naghihintay ang buong bansa sa kumpirmasyon kung ano ang nangyari kay Robredo ay patuloy na pinag-aawayan ang posisyon nito.

Ginawa ni Castelo ang apela matapos makatanggap ng mga balitang pinag-aawayan na ang posisyon ni Robredo ng mga opisyal na nagnanais maupo sa puwesto nito.

Kaugnay nito,  nanawagan din ang mambabatas sa buong bansa na samahan ang pamilya ni Robredo na manalangin na mapabilis na mailigtas ang kalihim.

Maging si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo ay patuloy na umaasa na matatagpuan at nasa maayos na kalagayan ang kalihim.

Para naman kay Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento, sinabi niyang maraming bagay ang kanilang pinagsamahan ni Robredo na isa niyang kaibigan at “confidante.”

Patuloy na umaasa si Sarmiento na matatagpuan pang buhay ang kalihim isang araw matapos bumagsak ang sinasakyang eroplano.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply