‘Press release’ ng Pinay na kongresista sa Korea pinasinungalingan

PINASINUNGALINGAN ng mga Pinoy ang balitang mainit daw na kanilang tinanggap ang Filipina na nahirang na kongresista sa Korea.

Kinilala ang nasabing Pinay na si Jasmine Lee, tubong Panabo, Davao del Norte.

Si Lee ay bumisita sa Pilipinas noong ika-20 ng Hulyo mula nang mahirang na kongresista sa Korea.

Walang malalaking publisidad nang dumalaw si Lee sa bansa na tumagal lang ng dalawang araw.

Nabatid na kinasuhan si Lee sa National Bureau of Investigation (NBI) ng isang negosyanteng Koreano dahil sa naging malisyosong pahayag nito tungkol sa kanyang pinag-aralan at kalagayan sa lipunan na pawang mga kasinungalingan.

Ayon sa mga Pilipino, inisnab daw ni Jasmine ang paanyaya ng konsulada ng Pilipinas sa Korea na maiharap siya kay Pangulong Noynoy Aquino. Sa halip na paunlakan niya ang konsulada, ang naging tugon ni Lee sa mga kababayang Pinoy ay hindi na siya Pinay kundi isa na siyang Koreana.

Sa mga naglabasang balita sa dyaryo ng Koreano sa Maynila, ibinalita na pumunta si Lee sa Pilipinas kasama pa ang isang Koreanong mambabatas at nakipagpulong sa isang grupo ng mga koreanong naninirahan na sa Pilipinas para sila ay hikayatin na bumoto sa nalalapit na eleksyon ng Presidente ng Korea sa pamamagitan ng “absentee voting.”

Pero ng tanungin ang nasabing Pinay-Korean tungkol sa reklamo laban sa kanya sa NBI ay tumanggi itong magbigay ng pahayag. Sa halip ang kasama niyang tagapagsalita ang sumagot at sinabing pag-aaralan nila kung lalabanan ang paratang dahil ito ay nakakasira sa pangalan ng kongresista.

Sa sumbong na inihain ni Kang Boyeun, isang Koreanong mangangalakal na siyang nagparatang kay Lee ng “fraud” o panlilinlang sa mga Koreano, ipinahayag umano ni Lee na siya ay nagtapos ng medisina sa Ateneo at kabilang sa pamilyang mayaman sa Panabo, Davao del Norte at ang katunayan ay mayroon daw silang anim na kotse,  dalawa rito ay gawa sa Germany.

Pero lumilitaw sa ebidensyang iniharap ni Kang na isang college “drop-out” lang si Lee sa Ateneo de Davao at sa record naman sa LTO ay isa lamang ang naging sasakyan ng kanyang ama at ito ay isang Toyota Jitney lang.

Sang-ayon naman sa tagapagsalita ni Jasmine, ang lahat daw ng paratang kay Lee ay nasagot na lahat pati na yung mga maliliit na isyu na ibinabato sa kanyang kasamang si Jasmine.

Mariin ding sinabi pa ng tagapagsalita ni Jasmine na walang jurisdiction ang NBI kay Lee dahil siya ay isa nang koreana.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply