Presyo ng petrolyo kontrolin at El Niño

MABIGAT na mabigat ang mga oil price hike nitong nagdaang mga araw at linggo.

Dalawang beses na nagkaroon ng bigtime na pagtataas ng presyo at maliliit at malalaki ring dagdag-presyo.

Umaabot sa P5 kada litro ang dagdag-presyo sa diesel, gasolina at gaas.

Ayon sa mga kompanya ng langis at sa Department of Energy na rin, ang pagtataas ng presyo ng krudo ang pangunahing dahilan ng mga dagdag-presyo.

PINABABAYAAN NA LAMANG

Hindi maringgan ang pamahalaan ng pag-angal sa nagaganap na oil price hike.

Kahit pa sumisigaw na ang mamamayan sa bigat ng buhay na pinararating ng mga kompanya ng langis.

Ang malinaw kasi, habang nagmamahal ang petrolyo, lalong lumalaki ang kinukubra ng pamahalaan na expanded value added tax dito.

Bingi at bulag ang gobyerno sa hinaing ng mamamayan kahit na magkandahetot-hetot, mga Bro, ang buhay ng mamamayan.

Basta kumita ito ng malaki, gaya ng mga kompanya ng langis, wala itong pakialam.

Ano na ba ang nangyayari sa gobyerno sa usaping ito, lalo na ang Department of Energy na may sakop ng problema?

‘DI LANG P45-P55 KADA LITRO

Sa Metro Manila at ilang lugar na malalapit dito, naglalaro sa P45 ang presyo ng diesel sa bawat litro at P55 naman ang sa gasolina.

Pero habang lumalayo ang mga istasyon ng gasolina, nagmamahal ang mga ito at umaabot sa P50 ang diesel at P60 ang gasolina.

Napakabigat ito, mga Bro, hindi lang sa mga taga-lalawigan kundi maging sa lahat ng mga biyahero na nagdadala ng mga produkto at serbisyo mula at pabalik sa Metro Manila.

Kaya nga, grabe na rin ang presyo ng mga bilihin mula sa pagkain hanggang sa mga gamot, damit, materyales sa bahay at sasakyan at marami pang iba.

Eh, hindi naman tumataas gaano ang sahod o kita ng mamamayan.

Marami na nga ring negosyante ang nalulugi o nalugi kaya at huminto na lang sa kanilang hanapbuhay.

PAG-AARAL SA PRESYO

May isang grupo na kinomisyon ng DOE para pag-aralan umano kung nandaraya o hindi ang mga kompanya ng langis sa kanilang pagtataas ng presyo sa tuwi-tuwina.

Isa kasi itong punto, lalo na ang mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan, na dapat tingnan ng pamahalaan.

Nasaan na nga ba ang resulta ng pag-aaral?

Isang mahalagang tanong, mga Bro: paano kung pareho ang finding o sasabihin ng grupo sa sinasabi ng DOE na walang pandaraya ng mga kompanyang langis?

Sinasabi kasi ng DOE na walang pagsusukatan ng pandaraya dahil binibigyan ng batas na Oil Deregulation Law ang mga kompanyang langis ng buom-buong karapatan na magbaba-taas ng presyo ng petrolyo.

Mahalaga rin ang tanong para maihambing sa isang pag-aaral ng National Economic Development Authority na nagsabing may overpricing na P8 kada litro ang mga kompanya ng langis.

Si Senador Ralph Recto, nang nakaupo pa siyang bossing ng NEDA, ang nagsabi ukol sa overpricing.

KABA NG MAGSASAKA

Dahil sa oil price hike na ito, alam ba ninyo ang nakakakaba?

‘Yang pagtigil ng mga magpapalay na magtanim.

Kaugnay ito, mga Bro, ng napipintong El Niño na maganap sa mahal kong Pinas simula sa Setyembre at maaaring magtapos sa Disyembre.

Ibig sabihin ng El Niño na matutuyo ang mga palayan na halos natamnan na sa buong bansa.

Kung darating ang tag-init sa tag-ulan, mamamatay ang mga palay, lalo na ang milyong ektaryang nabubuhay o umaasa lamang sa ulan.

Hindi rin makayanan ng mga dam na suplayan ang lahat ng mga palayang pinatutubigan ng mga ito sa pagkasaid ng lamang tubig ng mga ito.

Mula rito, mapipilitan ang mga magsasaka na gumamit ng mga generator para maipagpatuloy lang nilang buhayin ang mga palay.

Pero sa laki ng gastos nila sa mahal na petrolyo, malaki ang posibilidad na pababayaan na lamang nila ang kanilang mga palay.

Ilang dram naman kasi ang uubusin nila para mapatubigan ang isang ektarya hanggang sa tag-ani.

UULIT-ULITIN NA PAKSA

Uulit-ulitin natin ang mga paksang ito, mga Bro, hangga’t walang malinaw at konkrektong aksyon ang pamahalaan ukol sa napakamahal na petrolyo at sa dumarating na El Niño.

Lalo na ang malinaw at konkretong aksyon na pabor sa mamamayan.

EVAT BAWASAN O ALISIN NA

Dahil sobra na talaga ang bigat ng presyo ng petrolyo, malaki ang magagawa ng pamahalaan na mapagaan ito.

Kabilang sa mga agad nitong magagawa ang pagbabawas sa EVAT sa petrolyo at higit na mainam ang pag-suspinde ng  EVAT.

Pinakamainam na isulong na lang ng Malakanyang sa Kongreso ang pag-aalis ng EVAT sa petrolyo.

Lalo na kung totoo ang sinasabi ng Petron na may P15 na EVAT sa bawat petrolyo.

SERYOSOHIN ANG OVERPRICING

Ipagpalagay nang tutugma ang resulta ng pag-aaral ng pribadong grupo sa nakitang overpricing ng NEDA, ano ang gagawin ng pamahalaan?

Parurusahan ba nito ang mga kompanya ng langis katulad ng ginagawa ng ibang mga gobyerno sa mga kompanya ng langis na natatagpuan nilang may mga overpricing at iba pang kalokohan?

At kabilang sa mga parusa ang pagpapamulta sa mga ito.

Ang problema nga lang ay walang naibabalik na kahit isang kusing sa mamamayan na biktima ng mga kompanya ng langis.

Walang bumabalik na katulad ng mga refund mula sa overcharging sa kuryente.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply