Puslit na bigas sa Subic ibigay sa flood victims – Ping

INIREKOMENDA kahapon ng isang senador sa gobyerno na ipamudmod sa mga biktima ng baha ang nakumpiskang 420,000 sako ng bigas sa Subic Bay Freeport.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, dapat bilisan ng Bureau of Customs (BOC) ang pagproseso sa mga kinumpiskang bigas upang maging pag-aari na ito ng gobyerno at maipamahagi na sa mga sinalanta ng baha sa Metro Manila at karatig-lalawigan.

“Marapat lamang pero pagkatapos lamang na makumpleto ang proseso ng forfeiture proceedings sa BOC nang sa ganun ay maging lubusang pag-aari na ng gobyerno ang nakumpiskang bigas,”giit ni Lacson.

Ang 420,000 sako ng 50-kilo ng bigas mula India ay dumating sa Subic Bay Freeport noong Abril 4, 2012 at pansamantalang ipinasok sa warehouse ng Metro Eastern Trading Corporation, isang locator sa Subic Bay Freeport, habang naghahagilap ng import permit upang maibenta ito sa lokal na pamilihan.

Nitong Hulyo, tuluyang kinumpiska na ito ng BOC matapos mabigo ang importer na Amira Foods Limited na makapagpalabas ng dokumento hinggil sa inangkat na bigas na nagkakahalaga ng halos kalahating bilyong piso.

Inirekomenda naman ni Lacson na hatiin sa tig-isa o dalawang kilo ang bawat sako ng bigas upang matiyak na makararating ito sa nangangailangan at hindi sa mga opisyal ng gobyerno na “malilikot ang kamay.”

“Dapat lang ay paghati-hatiin ng maliliit na bahagi para siguradong aabot at pakinabangan ng mga nasalanta at hindi katkungin ng malilikot ang mga kamay na national at local officials na dadaanan nito,” babala ni Lacson.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply