Robredo malaking kawalan kay PNoy

NAILIBING na si Sec. Jesse Robredo kanina sa Naga City at kitang-kita sa mga nakipaglibing kung gaano siya minahal hindi lamang ng kanyang kababayan sa kanyang pinaglingkurang siyudad kung hindi maging ng buong bansa.

Ito ang hindi mapapasinungalingang katotohanan dahil hindi maitatangging nag-ukit si Robredo ng magandang pamumuno sa bansa bilang kalihim ng Department of Interior and

Local Government (DILG) at bilang mayor ng Naga City.

Maging ang kanyang mga kapwa miyembro sa Gabinete ay nagpugay rin sa yumaong kalihim lalo’t higit ang Liberal Party na kanyang tapat na pinagsilbihan bilang ulirang lider at tagasunod nito.

Kahit sa pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino ay halatang-halata na napilayan siya ng isang matinong sundalo na kasama niya sa implementasyon ng mga programa at proyekto sa tuwid na daan.

Sinabi rin ni PNoy na hindi madaling tanggapin ang pagpanaw ni Robredo dahil isa ito sa kanyang mga kasama sa gobyerno na may puso at angking determinasyon para maiahon ang bansa.

Sa ngayon ay na kay Pangulong Noynoy na ang bigat ng pagkawala ni Robredo dahil bukod sa nawalan siya ng isang tunay na kasangga sa matinong pamamahala ay nasa balikat din niya ang pagpili ng ihahalili sa yumaong kalihim na talaga namang naglingkod ng tapat sa bayan.

Alam nating maraming pang matinong tao sa bansa sa ngayon kaya’t panalangin natin ay isang katulad din ni Robredo ang mapili ng Pangulo dahil ito ang kailangan ng estado sa ngayon dahil nasa tuwid na daan ang gobyerno sa kasalukuyan na dapat pinamumunuan ng kagaya rin ng pinuno nito na may angking malasakit sa taumbayan.

###

Marami-rami na ring pangalan ang lumulutang bilang kandidato sa puwestong iniwan ni Sec. Jesse Robredo sa DILG.

Ilan sa mga ito ay sina Davao City Vice Mayor Rodrigo Duterte, Manila Mayor Alfredo Lim, dating Isabela Gov. Grace Padaca at Senador Ping Lacson.

Sa mga nabanggit na pangalan, tanging si Ping Lacson lamang ang hindi miyembro ng Liberal Party na ikinokonsiderang mahigpit na makakalaban ng tatlo.

Maging ang LP ay todo raw umano ang paggiit na sa kanila dapat mapunta ang iniwang pwesto ni Robredo dahil importante sa darating na eleksyon na kanilang kabig ang nakaupo at sinusunod ng mga opisyal ng PNP at lokal na pamahalaan.

Kanya-kanyang banggaan na ang mga may interes sa naturang posisyon kaya’t panalangin na lamang natin ay bigyan ng maaliwalas na pag-iisip si PNoy upang sa kanyang pagpili ay isang katulad niya at kagaya naman ni Robredo ang kanyang mailagay sa isa sa pinaka-importanteng posisyon sa Gabinete.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply