Robredo, malaking kawalan sa pamahalaan – obispo

MALAKING kawalan sa pamahalaan si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo.

Hanggang ngayon ay nawawala pa rin si Robredo matapos na bumagsak ang sinasakyan nitong eroplano sa karagatang sakop ng Masbate.

Kaugnay nito, sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na si Robredo na ang maituturing na pinakamatinong gabinete ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na kanyang nakilala.

Aniya, bago pa man naging DILG secretary ay kilala na niya si Robredo dahil naging katuwang niya ito sa kanyang krusada laban sa jueteng.

Kahit patuloy pa ring nawawala ang kalihim ay umaasa pa rin ang Arsobispo na sa tulong at milagro ng Panginoon ay matatagpuan pa rin itong buhay.

“Si Sec. Robredo na ang pinakamatinong gabinete ni PNoy na nakilala ko. Hindi ko ito sinasabi dahil sa may nangyari sa kanya o ano pa man. Sinasabi ko ito dahil kilala ko yung tao bago pa man siya naging kalihim ng DILG. Nakasama ko siya dati sa krusada laban sa jueteng,” pahayag ni Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Si Sec. Robredo ang pinaka matino sa lahat ng gabinete ni PNoy kung kaya’t malaking kawalan siya sa administrasyon. Gayunman, umaasa tayo at nakikiisa sa panalangin na buhay pa rin at mag-milagro ang Diyos sa kanya,” dagdag pa ni Cruz.

Umaasa rin naman si Cruz na magiging aral na sa lahat ng nasa pamahalaan ang nangyari kay Robredo na huwag nang sumakay o kumuha ng maliit na eroplano.

Paliwanag niya, napakadelikadong sumakay sa maliit na eroplano kahit gaano kagaling ang piloto na magpapalipad nito.

Samantala, isang misa para kay Robredo ang nakatakdang idaos ngayong araw, Agosto 21, ganap na 5:00 ng hapon sa St. Peters Shrine sa Commonwealth, Quezon City na pangungunahan ni Novaliches Bishop Antonio Tobias.

Ang naturang misa ay inorganisa ng National Anti-Poverty Commission, Caritas Novaliches kasama ang Radio Veritas at iba pang local government na katuwang ng Simbahan sa pagsusulong ng good governance.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply