Rolito Go nagpalamig lang sa casino

DALAWANG linggo na ang nakararaan nang muling maibalik sa kulungan ang umano’y nadukot na preso sa New Bilibid Prison na si Rolito Go.

Dahil sinabi ni Go, may labingsiyam (19) na taon nang nakapiit sa pambansang kulungan sa Muntinlupa, na dinukot siya ng hindi nakilalang mga suspek, nag-utos si Pangulong Benigno Aquino III ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa pangyayari na talaga namang hindi kapani-paniwala.

Subalit natabunan na naman ito nang isa pang sakuna sa ilalim ng administrasyong Aquino — ang pagkamatay ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robrero at dalawang piloto.
Pakikiramay po sa pamilya ng butihing kalihim na isa sa mga gumawa ng paraan upang maisaayos at mapigil ang katiwalian sa Philippine National Police (PNP).

Sa isyu ng pagkawala ni Go sa kulungan, marami sa mga mamamayang Pinoy ang hindi naniniwala sa sinabi ni Go at ng kanyang pamangking nurse na dinukot sila. Mas marami ang naniniwala na may basbas mula sa loob ng bilibid ang paglabas sa NBP ng dalawa.

May nagsabi pa nga na isang taga-loob na si Go ay madalas na lumabas sa piitan at dumalaw sa casino upang maglibang o aliwin ang kanyang sarili. Nagkataon umano noong araw na iyon ay malaki ang natalo sa casino kay Go kung kaya’t nagpumilit itong  makabawi na dahilan upang mag-tagal pa ito sa labas.
Sana nga ay tingnan ang anggulong nasa casino si Go sa loob ng dalawang araw at gabi bago pumutok ang kuwento na nadukot siya at iniwan sa Batangas ng kanyang kidnappers.

Malaki ang pagkakahawig nang paglabas ni Go sa paglabas ni dating Batangas Gov. Antonio Leviste dahil may basbas din ito ng mga opisyal sa loob. Nagkataon lang na natutukan ng camera si Leviste kung kaya’y pumutok ang isyu nang paglabas-labas nito sa NBP.

Upang hindi mabuking at masabit ang opisyal na sangkot sa pagpayag ni Go na makalabas (imposible namang walang nagkapera sa pangyayaring ito) ay pinalabas na lang ang kuwentong kutsero na dinukot ito. Nakatatawa naman kasi na sa loob mismo ng kulungan na napakahigpit at napakaraming bantay ay may makapapasok na hindi kilalang tao.

Ilang beses na rin namang na-kabisita ang Pakurot sa NBP at kahit may kakilala ka ay hindi basta-basta makapapasok sa loob nang kulungan at makausap ang presong bibisitahin. Hindi ba’t nagpapakita pa ng identification card (ID) at walang cellphone o anomang gamit ang puwedeng ipasok? Kaya paanong sa loob ng piitan nadukot si Go?

Gayunman, kahanga-hanga ang ginawang  pagli-leave ni NBP Director Gaudencio Pangilinan dahil hindi nito hinayaang maging batik siya sa pangalan ni Aquino. Ipinakita niya na sumusunod  siya sa command responsibility at hindi siya magiging hadlang sa isinasagawang imbestigasyon.

Sana lang, maimbestigahan din ang ibang preso na may kakayahang bumayad para sa kanilang pansamantalang kalayaan mula sa kulungan.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal?
Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply