Sanggol itinapon sa basura

HINDI na nagawang isalba pa ang natagpuang naghihingalong sanggol nang bawian ito ng buhay habang isinusugod sa pagamutan matapos na itapon sa bunton ng basura sa Paranaque City.

Tinangka pang isalba ng mga doktor sa San Juan De Dios Hospital ang sanggol na lalaki na hinihinalang puwersahang inilaglag sa sinapupunan nang isugod ng isang Ma. Luisa dela Cruz, non-uniform personnel ng Women and Children’s Protection Desk ng Paranaque police dakong alas-9:35 ng gabi matapos madiskubre sa bunton ng basura sa Quirino Avenue sa Barangay Baclaran.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, natagpuan ng isang Mars Sevilla sa bunton ng basura ang sanggol na umano’y kumikislot pa ang kalamnan kaya’t itinawag niya ito sa Women’s Desk ng Paranaque police.

Sa pag-asang maisalba pa ang sanggol na hinihinalang mahigit pitong buwan na sa sinapupunan ng kanyang ina, kaagad na isinugod ito ni Dela Cruz sa pagamutan subalit hindi na rin umabot ng buhay.

Pansamantalang nakalagak sa morgue ng naturang pagamutan ang sanggol habang nagsisiyasat na ang pulisya sa posibleng pagkakilanlan ng kanyang ina upang masampahan ng kaukulang kaso.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply