SBC pananagutin ang salarin; Biazon ‘di takot sa sindikato

DESIDIDO ang San Beda College na maparusahan ang lahat ng taong nagpahirap at pumatay kay 1st year law student Marc Andre Marcos.

Bilang patunay ay bumuo na sila ng panel na siyang mag-iimbestiga sa nasabing karumal-dumal na krimen na kinasasangkutan ng Lex Leonum Fraternitas.

Sinabi pa ng Rector President ng San Beda College na si Rev. Fr. Aloysius Ma. A. Maranan,OSB, na hindi sila mangingiming parusahan o sibakin sa kanilang kolehiyo ang mga taong mapatutunayang sangkot sa pagpaslang kay Marcos.

Ipinaliwanag rin ng San Beda College, na ang lahat ng kanilang mag-aaral ay pinapirma nila ng kasunduan na hindi sila sasali sa anomang fraternity sa loob o labas man ng paaralan.

Patuloy din ang San Beda College sa pagpapaliwanag sa kanilang mga mag-aaral sa mga negatibong dulot ng fraternity.

Naniniwala rin ang nasabing kolehiyo na kung tunay na kapatiran ang fraternity ay hindi dapat nito sinasaktan ang kanilang mga kasapi bagkus kanila itong tinutulungan kagaya ng isang tunay na kapatid.

###

Ibang klase talaga itong si Customs Commisioner Ruffy Biazon sa kanyang ginagawang kampanya laban sa mga dorobong nagkalat sa Aduana.

Mantakin nýo naman na sandamukal na bigas ang kanyang hindi pinalusot na umaabot sa kalahating bilyong piso.

Noon ring nakaraang linggo ay umabot din sa P42 milyon bigas ang kanyang nasakote at ang masakit na katotohanan ay parehong sa balwarteng sakop ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) nakumpiska ang bulto-bultong bigas.

Hindi rin biro ang mga taong binabangga ni Biazon dahil malalaking tao rin at talamak na smuggler ang kanyang binubuwal at pinahihirapan.

Sa ating pagkakaalam, sanggang dikit kay Mike Arroyo, asawa ni Ate Glo, ang may-ari ng kompanyang nagdala rito ng bigas na Amira C Food Products na ang ginamit namang consignee ay ang Metro Eastern Trading Corporation na ang kinontak naman sa SBMA ay si Stef Sanyo, deputy administrator for business ng nasabing ahensya.

Kung iba sigurong komisyuner ng Customs itong si Biazon ay malamang na bumigay na ito sa sandamukal na perang dapat niyang kinita pero dahil isa siya sa mga tapat na tao ni PNoy na tapat sa bayan ay mas mahalaga sa kanya ang kampanya kontra katiwalian.

Sa ilang buwan pa lamang na pamamalagi ni Biazon sa Bureau of Customs (BoC) ay hindi na mapapantayan ang kanyang mga accomplishment sa bayan kaya’t araw-araw daw umiiyak ang mga smuggler at tauhan ng Aduana na kasapakat ng mga dorobong negosyante.

Marami pang tiyak na masasakote itong si Biazon kaya’t mag-antabay lamang tayo dahil tiyak na babangon at babalik na muli ang bulok na imahe ng BoC.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply