Sec. Robredo inihatid na sa huling hantungan

NAIHATID na sa kanyang huling himlayan si Interiror and Local Government Secretary Jesse Robredo sa Naga City.

Bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon bilang huwarang opisyal ng gobyerno ay binigyan si Robredo ng state funeral sa pangunguna ni Pangulong Benigno Aquino III at ilang matataas na opisyal ng gobyerno.

Alas-10:00 ng umaga kanina nang idaos ang requiem mass o huling misa para sa kalihim na pinangunahan nina Fr. Manuel Nicolas, SDB, at Fr. Kulandairaj Ambrose ng the Missionaries of the Poor (MOP),  isa sa paboritong charity ng kalihim.

Nagmistulang neulogy ang ibinigay na sermon ni Fr. Kulandairaj Ambose  makaraang ikuwento ng paring Jamaican kung paano nagsimula ang kanilang pagkakaibigan ni Robredo, 20 taon na ang nakakaraan.

Sinabi ni Fr. Ambrose, maituturing niyang tunay na ‘man of God and man of the poor’ si Robredo dahil sa dedikasyon sa public service.

Sa misa, ang pamangkin ng kalihim na si Dr. Gaile Robredo-Vitas ang namuno sa Unang Pagbasa habang si Jillian Robredo, bunsong anak ng kalihim ang nanguna sa Ikalawang Pagbasa.

Sa kanyang homily, bahagyang nagkuwento si Fr. Ambrose tungkol kay Sec. Robredo.

Pagkatapos ng misa ay umawit muna sina Robert Sena at Isay Alvares bago nagbigay pugay ang sambayanang Filipino sa kalihim.

Iginawad sa kalihim ang Philippine Legion of Honor na may ranggong Chief Commander ni Pangulong Benigno Aquino na tinanggap ni Atty. Leni Robredo, biyuda ng kalahim.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Leni ang lahat para sa pagkilala sa kanyang yumaong esposo.

Ginawaran din ng 19-gun salute ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kalihim.

Sakay ng trak na puno ng dilaw na bulaklak, inihatid ang labi ng kalihim sa Funeraria Imperial ng Naga.

Dito, isinagawa ang final honor sa kalihim sa pamamagitan ng pag-aalay ng Three Volley Salute at pagpapatugtog ng Taps na pinangunahan ng AFP.

Bilang pagtatapos ng state funeral, iniabot ni Pangulong Aquino ang tiniklop na bandila ng Pilipinas na nasa ibabaw ng casket ng kalihim kay Leni Robredo.

Hindi naman mabilang kung ilan ang lahat ng mga tao na nakiisa sa paghahatid sa huling hantungan sa kalihim.

Kumpleto rin ang pamilya Robredo na kinabibilangan ng asawa na si Leni, mga anak na sina Aika, Patricia at Jillian; naroon din ang mga kapatid ng kalihim, mga kamag-anak, kaibigan at naging katrabaho.

Nagsilbi namang honorary pallbearers sina Justice Secretary Leila de Lima, Public Works Sec. Rogelio Singson, Social Welfare Sec. Dinky Soliman, Energy Sec. Rene Almendras, Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles, Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino at Mindanao Development Authority Chairperson Luwalhati Antonino.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply