Seguridad pandagat: Responsibilidad ng lahat

HINDI kaila sa ating lahat na napakarami ang kasalukuyang banta sa karagatan ng Pinas. Bukod sa bantang pang-teritoryo, meron ding banta sa ating kalikasan at kapaligiran tulad ng iligal na pangingisda, mga smuggler, human trafficker at pirata.

Kasama rin higit sa lahat ang pinakamalaking banta na kumikitil ng pinaka-marami sa ating mga kababayan – ang kalamidad mula sa dagat o mga bagyo.

Bunsod ng mga suliraning ito, hindi rin kaila sa ating mga kababayan na sadyang hindi matatawaran ang kahalagahan ng isang malakas at kredableng Navy upang mapangalagaan ang kapakanan at interes ng ating bayan sa ating malawak na karagatan.

Subalit sa harap ng isang malakas at kredableng Hukbong Dagat ay malaki at mahalaga pa rin ang pagkakaisa ng buong sambayanan para magtulong-tulong at sumuporta sa isa’t isa tungo sa seguridad pandagat natin.

Kahit saan mang gawain, ang sama-samang pagtutulungan ang pinaka-epektibong paraan upang matamo ang isang layunin. Para sa mga Pinoy, Bayanihan ang tawag dito.

Sa pagpapalaganap at pangangalaga ng ating mga interes at kapakanan ng mga mamamayan, napakahalaga ng Bayanihan ng bawat sektor upang matamo ang layuning ito. Totoong malaki o baka pa nga pinakamalaki ang papel na gagampanan ng Navy para rito, subalit hindi lubusang magagampanan ng Navy ang kanyang tungkulin at bagkus ay baka hindi pa nga magtagumpay ito upang isulong ang interes at kapakanan natin para sa ating karagatan kung wala ang pakikiisa ng sambayanan.

Dahil dito, walang humpay ang Navy sa kanyang adbokasiya na isulong ang kambal na stratehiya niya para sa pagtatanggol ng ating karagatan – ang maritime domain awareness (MDA) at ang minimum credible deterrence (MDC).

Ang MDA ay isang konseptong pang-kaalaman kung saan layunin nitong ipamahagi sa lahat ng mamamayan ang kalagayan ng seguridad sa ating karagatan mula sa iba’t ibang perspektibang pang-kaisipan o kaalaman ng bawat sektor ng lipunan natin.

Ang MCD naman ay isang konseptong pang-operasyon kung saan nabibigyan ang ating Navy ng isang katayuang pigilan (hindi sugpuin o durugin) ang lahat ng banta sa pamamagitan ng pinaka-minimal na pamamaraan at kagamitan.

Kaya’t bukod sa pagkakaroon ng isang “strong and credible Navy”, importanteng magkaroon din ng suporta at tiwala ang taumbayan upang makapagbigay ng tulong at inspirasyon para sa bawat Mandaragat (Sailors) at Mandirigma (Marines).

Kaya’t tayo na mga kababayan ko! Kaya natin yan Pinoy!

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply