Senado magbibigay ng dagdag-badyet sa kalamidad

NAKAHANDA ang Senado na magbigay ng karagdagang badyet kay Pangulong Benigno Aquino III upang tugunan ang pangangailangan sa pondo ng pamahalaan para sa nakaraang kalamidad na sumalanta sa bansa nitong nakaraang linggo, ayon kay Senador Franklin Drilon.

Sinabi ni Drilon na maaaring magbigay kaagad ng supplemental budget ang Senado upang bigyang awtorisasyon ang gobyerno na kumuha ng karagdagang badyet na gagamitin sa pagtugon sa pangangailangan ng pondong gagamitin sa kalamidad.

“Kung kinakailangan, maaari kaming magrekomenda sa Senado ng isang supplemental budget o i-adjust ang 2013 proposed budget para sa medium at long term projects na kailangan upang madaliang tugunan ang kalamidad,” ayon kay Drilon, chairman ng Senate finance committee.

Sa ngayon, patuloy na nagdadala ng ulan ang bagyong Helen sa bansa pero nananatiling nakalubog sa baha ang maraming lugar sa Kamaynilaan at Luzon sanhi ng nakaraang Habagat.

Kasalukuyang hinihimay ng Kongreso ang panukalang gastusin ng pamahalaan sa 2013.

Nitong Lunes, inaprubahan ni Pangulong Aquino ang madaliang pagpapatupad ng mahigit P5 bilyong flood control projects tulad ng pagkukumpuni ng dike, lansangan, tulay at pumping station sa mga lugar na lubhang apektado ng nakaraang kalamidad.

Ngunit, sinabi ni Drilon na aabot lamang sa P10.9 bilyon ang pondong maaaring gamitin na kinabibilangan ng P9.4 bilyong natipid sa 2012 General Appropriations Acts na naipon mula sa pondong nakalaan sa unfilled position sa unang bahagi ng taon at ilan naman mula sa hindi nagamit na pondo sa Public-Private Partnership sa school building. Umaabot naman sa P1.5 bilyon ang natipid sa 2011 badyet.

Sinabi ni Drilon na karagdagan lamang ang P10.9 bilyon sa badyet ng Department of Public Works and Highways para sa road maintenance at rehabilitasyon.

Naubos na rin umano ang P7.5 bilyon na Quick Response Fund para sa 2012 kaya’t idinagdag ni Drilon na maaaring kapusin ang natitirang balance upang tugunan naman ang ilan pang bagyo na inaasahang papasok sa bansa sa mga susunod na buwan.

Sakaling maipasa ang supplemental budget, sinabi ni Drilon na maaaring gamitin ito ng pamahalaan upang tugunan ang relief and rehabilitation sa mga biktima ng nakaraang kalamidad, kabilang ang pagpapatayo ng proyektong lulutas sa pabalik-balik na pagbaha sa bansa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply