Signal No. 2 itinaas na sa Isabela at Cagayan

INILAGAY na sa public storm signal warning no. 2  ng  PAGASA ang mga probinsiya ng Isabela at Cagayan.

Inaasahang mararamdaman dito ang lakas ng hangin mula  61 hanggang -100 kph  ng hanggang  24 hours  sa mga nasabing lugar kung  kaya binalaan na rin ng ahensya  ang mga residente na naninirahan sa mga mababang lugar at sa paanan ng mga bundok na mag-ingat laban sa flash floods at landslides.

Nakataas na rin ang Signal Number 1 sa silangang mga probinsiya ng Quirino, Aurora, Nueva Vizcaya, Ifugao, Mt. Province, Ilocos Norte, Abra, Kalinga, Apayao, Babuyan Islands, Calayan Islands, at Batanes.

Kagaya rin ng bagyong Haiku, na nagpalakas ng hanging habagat at nagdala ng mabibigat na pag-ulan sa Metro Manila at karatig probinsya  ng may isang linggo ay nagbabala rin ang PAGASA na magdadala rin ng pag-uulan ang bagyong Helen sa Luzon at Visayas.

Inaasahan dito ang malakas na buhos ng ulan mula 15-34 millimeter bawat oras sa loob ng 400 km. na lapad ng bagyong Helen.

May panaka-naka ng mga pag-uulan ang nararanasan ngayon sa  Central at Southern Luzon habang banayad hanggang sa mabigat na pag-ulan naman ang inaasahan sa bahagi ng Camarines Norte, Camarines Sur, Quezon, Rizal, Bulacan, Pampanga, Laguna, Cavite, Batangas, Mindoro, Bataan, Zambales, at Metro Manila.

Kaninang madaling-araw ang bagyong Helen ay tinatayang nasa  310 kilometers silangan ng Casiguran, Aurora at taglay ang pinakamalakas na hangin sa bilis na 75 kph  at pagbugso hanggang  90 kph.

Sa Huwebes pa inaasahang lalabas ng teritoryo ng Pilipinas si Helen na maaaring magbago ng direksyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply