Simply Jesse

DAGSA ang pakikiramay ng sambayanang Filipino at maging ng buong mundo sa pagkawala ni Sec. Jesse Robredo. Lungkot at dalamhati ang nararamdaman ng mga mahal niya sa buhay at mga taong nakasama niya sa lahat ng kanyang mga adhikain at paniniwala.

Panghihinayang sa isang taong marami pa sanang maiaambag sa bayan at malayo pa sana ang mararating sa ngalan ng pamamahala.

Bagama’t wala na si Sec. Jesse ay hindi kailanman mababaon sa limot ang lahat ng kanyang mga nagawa sa bayan at sa mga taong kanyang natulungan.

Simple lang si Sec. Jesse. Mula pa nang siya ang alkalde ng Naga City ay nabuhay siya at kanyang pamilya nang disente at hindi marangya. Bilang kasapi ng gabinete ni PNOY ay hindi siya nasangkot sa anomang iskandalo o korapsyon. Ito ay kahit na ang kanyang pinamumunuang departmento ay saksakan ng dami ng problema.

Mantakin mo na nasa pangangalaga niya ang lahat ng lokal na opisyal mula kagawad ng barangay hanggang mayor at gobernador. Barangay, lungsod at lalawigan! Sakop pa niya ang paboritong batikusin na Philippine National Police (PNP), ang mga bumbero at iba’t iba pang ahensya sa ilalim ng DILG.

Kahit minsan ay hindi ko nakadaupang-palad man lang si Sec. Jesse. Sayang nga. Ngunit naging saksi ako sa mga gawain niya mula pa sa kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Naga City.

Tulad ng anak niya na si Jillian, swimmer din ang anak ko na si Kaka. Malimit ay nasa Naga City ang swimming competition ng   aking anak at sinasamahan ko siya roon. Nagulat nga ako ng nasa Naga City ako! Maunlad na ang lungsod at aktibo sa lahat ng bagay. Host ng National Swimming Competition, may masiglang kalakalan sa plaza at tahimik.

Sa isip-isip ko ay mahusay nga pala talaga ang mayor ng Naga City na naging Magsaysay awardee for Public Service.

Noong ako ang Majority Floor Leader ng Quezon City Council, may panukala ang noo’y Konsehal at ngayo’y Congressman Bolet Banal, ng ikatlong distrito ng Quezon City, na TRANSPARENCY at People’s Participation ordinance kung saan pinalalawak nito ang partisipasyon ng mga civil society sa pamahalaan at pagbukas at paglantad ng mga proyekto ng gobyerno sa publiko upang mawala ang korapsyon sa mga kontrata ng pamahalaan.

Sabi ko, kay Cong. Bolet noon, “Ang lawak at maganda ang adhikain ng ordinansa mo, apare.” Sabi niya noon sa akin ay katulong niya sa pagbabalangkas ang grupo ni Mayor Jesse Robredo.

Noong naupo si PNOY ay ginawa niyang OIC muna ng DILG si Sec. Jesse. At ang unang unang problemang malaki na kanyang hinarap ay ang Luneta Hostage Crisis. Nangyari ang hostage Crisis noong August 23, 2010. Dahil sa kapalpakan ng SWAT sa pag rescue ay hiningi ng ilan ang pagbibitiw ni Sec. Jesse. Yun pala naman ay si USEC Rico Puno pala ang may “say” pagdating sa “PNP Matters”. Hindi naman nasibak ang “presidential buddy” na si Rico P. Pero muntik nang nagisa ng husto si Sec. Jesse.

Mula noon ay naging laman na ng mga balita si Sec. Jesse. Ngunit ang malungkot dito ay napagiwanan na siya ng ilang miyembro ng gabinete sa Commission on Appointments (CA).

Hindi pa siya nakumpirma at ito ay dahil lang sa maruming pamumulitika ng ilan.

Marami pa sanag nagawang reporma si Sec. Jesse Robredo pero mrahil para sa Poong Maykapal ay sapat na ang kanyang ginawa para sa bayan kaya’t kailangan na niyang makasama ang Dakilang Lumikha.

Ganoon pa man, hindi na malilimutan si kalihim Jesse Robredo ng sambayanang Pilipino. Kasaysayan na rin ang bahala kung ihahanay si Sec. Jesse sa mga itinuturing na bayani ng bayan.

Sa mga mahal sa buhay si Sec. Jesse Robredo, aming pakikiramay. At nawa’y ang iniwan niyang alaala sa ating lahat ay mag sibling inspirasyon habang buhay.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply