Sino ang mga protektor?

DIYAN sa lalawigan ni Batangas Gov. Vilma Santos, ang iligal na sugalan ang malimit na napapansin dahil sa malawakan nitong operasyon.

Pero ang hindi nakikita ay ang tumitinding operasyon ng buriki gang at lantarang bentahan ng pirated DVDs at CDs sa probinsyang ito.

Kumpara sa sugal, ang aktibidad ng grupo ng buriki at piniratang DVDs at CDs ay matindi ang tama sa negosyo at tumatangkilik nito.

Ang buriki ay isang uri ng pagbabawas ng laman o pagnanakaw sa mga produkto na ang tama ay mga walang muwang na consumers.

Isang halimbawa rito ay ang mga semento na kulang-kulang ang timbang pagdating sa mga mamimili. Trabaho ito ng tinawag na buriki gang.

Tulad sa buriki, talo rin ang taumbayan, lalo na ang mga tunay na negosyante sa mga pirated o pekeng DVD at CD na ibinebenta.

At para sa kaalaman ni Ate V., ang operasyon ng buriki at DVD gangs ay kalat diyan sa kanyang lalawigan, lalo na sa Batangas City. Sa lungsod na ito na pinamu-munuan ni Col. Nicalos Torre lll, ay lantaran ang operayson ng buriki at bentahan ng DVDs at CDs.

Ang masama, dalawa pang pulis na tawagin na lamang nating ‘Bobby’ at ‘Dondon’ ang nasa likod ng operasyon ng buriki at pirated DVD at CD.

Kung ang operasyon ng mga taong sina Bobby at Dondon ay malayang nakapag-o-operate sa lugar na binabantayan ni Col. Torre, ano ngayon ang iisipin ni Mang Juan?

Kaya ang tanong natin, eh, sino ang protektor nina Bobby Dondon?  Mahina sina Col. Torre at Col. Rosauro Acio kung ‘di nila alam.

MAKATOTOHANANG GIYERA VS DROGA

Naaaninag natin ang makatotohanang ‘giyera’ na ipinamamalas ngayon ng gobyernong Aquino sa pamamagitan ng pinag-ibayong operasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lalo na ang Bureau of Customs.

Pero, kasunod ng mga papuring tinatanggap ngayon ng mga opisinang ito ay paalaala naman natin sa pamahalaan na sana’y siguruhin ang conviction ng mga nahuhuling drug couriers ng BOC  at PDEA agents.

Sinasabi natin ito dahil kapag nagkataon, mababalewala ang oras at hirap ng mga government agent na nagpakahirap para lamang mahuli ang tatlong foreign national na isa-isang nasakote sa NAIA nitong nakaraang mga linggo.

Katulong ang PDEA, ang tatlong foreigner ay nadakip ng pinagsanib na grupo nina ESS chief George Alino, Col. Joey Yuchangco, NAIA BOC com-mander Marlon Almeda at legal and investigation chief Byron Carbonell.

Siyempre, dahil sa magaling na pamamahala ni Comm. Ruffy Biazon, ang BOC ay nagkaroon ng panibagong inspirasyon kaya marahil ganun na lamang ang sipag ng mga opisyal at kawani ngayon ng ahensya. Mabuhay ang BOC at ang PDEA.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply