Sino ang papalit kay Robredo?

MAINIT na pinag-uusapan ang biglaan at ‘di inasahan na pagkamatay ni Sec. Jesse Robredo.

At sa pagkawala ng kalihim, maiinit din ang talakayan tungkol sa pagpili sa kanyang kapalit bilang DILG chief.

Dahil sa matayog, bihira at kakaibang kuwalipikasyon, bukod pa sa magaling na pamamahala ng pumanaw na kalihim, mahihirapan ang Pangulong Noynoy Aquino sa paghanap sa magiging interior secretary.

Sa dami ng natanggap na awards sa serbisyo-publiko, isama na ang natanggap na Magsaysay Award for public servant,  pakiwari natin eh, maraming babagsak na aspirants sa iniwang puwesto ni Sec. Robredo.

Idagdag mo pa ang pagiging simple, mababang loob at walang yabang na estilo ng pamamahala, tiyak makukurta ang utak ng Pangulong Aquino sa paghahanap ng magiging bagong DILG head.

Dahil sa kakaibang ugali at galing bilang public servant, napamahal ang buong bayan sa kalihim at patunay ay ang ipinakikitang dalamhati matapos ang disgrasyang kumitil sa buhay niya.

Para ‘di magambala ang operasyon ng ahensya, itinalaga ng Pangulo si Executive Sec. Jojo Ochoa bilang pansamantalang office in-charge habang hinahanap ang magiging regular ng DILG chief.

May ulat na iaalok sa maybahay na si Atty. Leni (Robredo) ang puwesto ng pumanaw na asawa, subalit ayon na rin sa balita, wala pang pormal na alok ay inayawan na umano ito ng ginang.

Ilang pangalan ang lumulutang na papalit kay Sec. Robredo, tulad nina Sen. Ping Lacson, dating Isabela Gov. Grace Padaca, Vice President Jejomar Binay at isang Rep. Ibaya na malapit umano kay PNoy.

Kung sinoman sa mga ito ang masuwerteng mapipili bilang bago na DILG chief, kailangan siguro nilang magtrabaho nang todo para maabot ang mataas na expectation nina Mang Juan at Aling Maria.

Kasi, nagampanan ni Sec. Robredo ang inasahan sa kanya ng sambayanan, kaya dapat ay tularan ng mapipiling DILG  secretary ang ipinakita at iniwan ng yumaong kalihim na estilo ng pamamahala.

Dahil kung ‘di nagawa ang inaasahan ng taumbayan sa mapipiling kalihim, ang sisi na naman ay kay Pangulong Aquino.

Pero, umaasa naman tayo na ang mapipiling papalit sa pumanaw na DILG head ay karapat-dapat na public servant dahil ang DILG position ay isang puwesto na nangangailangan ng magaling  na serbisyo-publiko.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply