Smart Gilas II pakay ang 4th win sa Jones Cup

SA MGA nakalaban ng Smart Gilas Pilipinas II sa South Korea pa lang sila medyo nahirapan sa nagaganap na 34th William Jones Cup International Basketball Tournament sa TPEC gym sa Taipei.

Tinalo ng PHL team ang Koreans, 82-79 kahapon habang tinambakan naman nila ang Jordan at Chinese Taipei-B, 88-78 at 99-68 ayon sa pagkakasunod.

Ngayong hapon ay mapapalaban muli ang Pinoy cagers sa mahinang Japan at bukas makakalaban nila ang nangungulelat na Lebanon.

Subalit asahan na pagpapawisan sila kapag nakaharap na nila ang Iran at USA.

Nakilatis ang tikas ng Smart Gilas II ng makipagdikdikan ito sa South Korea.

Umarangkada sa home stretch ang best player of the conference ng PBA Philippine Cup na si Gary David matapos isalpak ang back-to-back jumpers upang ilista ang malinis na 3-0 karta.

Si Jeff Chan ang nanguna sa scoring ng PHL na may tinikadang 14 pts. habang 13 puntos ang inambag ni David.

Bumakas din si Marcus Douthit ng 11 markers at 12 rebounds habang may kinamadang 10 pts., nine boards at limang assists si Gabe Norwood.

Pagkatapos ng Lebanon ay makakalaban na ng PHL 5 ang Iran, susunod ang Chinese Taipei A sa Agosto 25 at kinabukasan ay ang USA.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply