Survey ng SWS sa RH bill, minaliit ng CBCP

HINDI natinag ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at sa halip ay minaliit lamang ang ipinagmamalaking survey ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na nagsasabing 70 porsiyento ng mga Pinoy ang sumusuporta sa Reproductive Health (RH) bill.

Ayon kay Cebu Archbishop Jose Palma, pangulo ng CBCP, hindi maaaring pagkatiwalaan ang lumang survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa para i-promote ang RH bill.

Iginiit pa ni Palma na kailangan pang beripikahin ang nasabing survey ng SWS na ginawang halimbawa ni Lacierda upang isulong ang kanilang agenda at kontrahin ang survey ng CBCP na 140-mga kongresista ang tutol sa RH bill kung saan hindi pa kasama rito ang walong minority congressmen na umatras na ng kanilang suporta sa panukala.

Kasabay nito, sinabi ni Palma na ang boses ng taumbayan ay mahalagang resulta ng pagninilay at hindi basta opinyon lamang.

Nanindigan din si Palma na hindi mababago ng sinuman ang prinsipyo ng Simbahang Katoliko.

Tiniyak rin nito na hindi mababago ng anumang kuwestiyunableng survey ang paninindigan ng simbahan na tututulan ang pagsasabatas ng RH bill, na itinuturing nilang anti-life bill.

Samantala, iginiit ni CBCP-Episcopal Commission on Family and Life executive secretary Fr. Melvin Castro na hindi mapagkakatiwalaan ang naturang survey ng SWS at tiniyak na ang mga tanong sa survey ay pabor sa RH bill.

Hinamon pa ni Castro ang Malacañang na ilantad ang kanilang data na nagsasabing mayorya sa mga Filipino ang pabor sa RH bill dahil ilalabas nila sa kanilang One Prayer Rally sa Edsa Shrine sa Sabado ang resulta naman ng kanilang survey na mayorya sa mga Congressmen at mamamayan ay tutol sa RH bill.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply