Suspek sa San Beda hazing kilala na; 25 katao kakasuhan ng homicide

CAVITE– Natukoy na ang suspek sa pagpatay sa biktima ng hazing kamakalawa ng madaling-araw matapos dalhin ang isang law student sa De La Salle University Medical Center sa Cavite habang nasa kasagsagan ang bagyong Gener.

Itinuro si Gian Angelo Veluz, bilang prime suspect matapos magbigay ng testimonya ang farm workers ng Veluz family na sina Rene Andaya at Roger Atienza.

Magugunitang namatay si Marc Andrei Marcos, 20, tubong Tarlac City , ng 143 Purok Paraiso, Poblacion Center, Ramos, Tarlac City at 1st year law student ng San Beda, Alabang matapos isailalim sa hazing sa loob ng Veluz farm sa Sitio Amuntay Road, Barangay Zone 3, Dasmariñas City, na pag-aari ng Veluz family.

Sa kasalukuyan ay pinaghahanap pa ang posibleng pamalo o paddle na ginamit ng 20-25 katao sa hazing sa mga braso at hita na ikinamatay ni Marcos.

Nakumpirma ring sina Soledad Sanda (tagapagluto) at Marlyn Guadayo, kapwa housemaid ng mga Veluz sa nasabing farm ay nagtatago na rin sa kasalukuyan.

Sa pahayag ni Engr. Ernie Reyes kay Cavite Provincial Director PSSupt. John C. Bulalacao, si Marcos aniya ay bisita ng kanyang pamangkin (Gian Angelo) sa farm na pag-aari ng ama nito na si Itan Veluz, kung saan isinagawa ang hazing.

Dito aniya ay nakarinig sila ng sigawan, (noises, screaming, moaning ) at iyak ng biktima sanhi ng mga pagpalo ng matigas na bagay na hinihinalang paddle bago ito idineklarang patay sa De La Salle University Medical Center.

Hindi naman nakuhang maitala ng security guards ang pangalan ng dalawang lalaki na nagdala sa biktima.

Nabatid ding walang CCTV camera ang pagamutan na posible umanong pagbasehan ng pagkakakilanlan sa dalawa at sa sasakyang ginamit nila sa paghahatid sa biktima sa pagamutan.

Matatandaan na alas-7:40 ng umaga ng ilabas ng isang Marlene M. Quindo, kaanak, ang biktima at dalhin sa PNP laboratory, Camp Crame, Quezon City.

Sa pahayag pa ni Bulalacao, ang 20-25 katao na sangkot sa insidente ay kanilang kakasuhan ng homicide kabilang ang ama ng suspek at 2 housemaids.

Bumuo na rin ng Task Force na pamumunuan ni Bulalacao upang magsagawa ng follow up operation sa agarang ikadarakip ng 2 housemaids.

Sa kaugnay na balita, sinabi ni Bulalacao na may natatanggap siyang text messages na susuko na umano ang mga suspek.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply