‘Suyot’ si Biazon

“SABLAY si Customs Commissioner Ruffy Biazon sa pagsamsam ng halos kalahating bilyong halaga ng bigas sa Subic Bay Freeport na aniya’y sadyang di-nala sa Pilipinas para dito iligal na ibenta.

Ito Ang Totoo: malinaw na ang naturang rice shipment na mula sa India ay isa lamang sa limang rice shipments kung saan ang apat ay matiwasay na naipasok sa Jakarta, Indonesia habang itong ikalima ay nabigong dumating sa takdang panahon kaya tinanggihan na ang barkong maydala nito na magbaba ng cargo.

Dahil “Cargo in Distress,” ‘ika nga ng mga komersiyante, inihanap ang rice shipment ng mapagtetenggahan habang tinitimbang ang iba pang “options” dahil napakalaking halaga ang nanganganib mapariwara. Sikat ang Subic Bay Freeport na may magandang facilities at mas mura ang mga paupa kumpara sa ibang lugar sa rehiyon ng Asya kaya pinili na ito ng Amira, may-ari ng rice shipment, kesa ibalik pa ito sa India.

Umentrada naman si Biazon at ilang mga pulitiko sa Senadong nagtatangatangahan o talagang ta-nga at hindi alam kung ano ang Freeport, kaya ayon, nagka-letse-letse na ang situwasyon.

$14,000 a month ang kinikita ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa warehousing ng naturang rice shipment at walang masama na payagan ito ng pamunuan ng SBMA dahil Freeport ang pina-tatakbo nilang ahensiya, huwag lang ito ilalabas ng “gates” ng walang kaukulang papeles at taxes.

Ito Ang Totoo: sa lumalabas na pagnanasa ni Biazon na mapasama sa senatorial line-up ng Administrasyong Aquino, kahit wala sa lugar ay pinag-initan nito ang rice shipment para mapansin, malaking halaga nga naman at talagang maipagyayabang ang kanyang “nasamsam.” Kaso, parang paputok na kulang sa pul-bura, “suyot” sabi nga ng ating mga kababata, itong hakbang ni Biazon na lalong napahihiya sa masidhing pagnanasang maisulong ang pansariling plano sa pulitika.

Malamang maililinaw din ang situwasyon at maibibiyahe palabas ng bansa ang bigas kung hindi ito katanggap-tanggap sa Pilipinas. At malinaw na rin na si Ruffy Biazon ay hindi inukit para maging senador o kahit Customs Commissioner, dahil wala itong pakundangan sa kung ano ang tama at mali, maisulong lang ang pansariling pulitika.

Sa ginawa ni Biazon na naglagay sa Subic Freeport sa kahihiyan sa mundo ng komersiyo at pagdungis sa katatayuan ng Subic bilang Freeport, malamang, kahit piliin siya ni PNoy sa senatorial slate nito, isusuka si Biazon ng mga taga-Olongapo, Subic Freeport, Zambales at Bataan dahil malinaw na hindi nito pinahahalagahan ang kanilang kinabukasan.

Ito Ang Totoo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply