Testigo ayaw munang palutangin ni GMA

PINILING manahimik at tanggihan ng kampo ni dating Pangulo, ngayon ay Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo ang hiling na iprisinta sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang kanilang mga testigo sa kinakaharap na kasong electoral sabotage makaraang gamitin ng mga abogado ng una ang karapatan ng kanilang kliyente sa ilalim ng Saligang Batas kanina.

Iginiit ni Atty. Benjamin Santos, abogado ni Arroyo na ilalatag lamang nila ang kanilang posisyon batay sa ipiprisintang ebidensiya ng tagausig sa sala ni Pasay City RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112 sa ginanap na pre-trial ng kaso.

Paulit-ulit namang hiniling ni Atty. Esmeralda Ladra, ang lead prosecutor sa kaso ang pagsusumite ng pangalan ng mga testigo ng depensa, kasabay ng pagpi-prisinta nila ng kanilang ebidensiya at pangalan ng mga testigo bilang isang paraan upang maging patas ang pagdinig sa kaso na siyang layunin kaya’t isinasagawa muna ang pre-trial.

Ginamit naman ni Santos ang nakasaad sa panuntunan ng hukuman na ang tagausig ang dapat na magsumite ng kanilang testigo at ebidensiya dahil nasa kanilang kamay ang pagpapatunay sa kanilang akusasyon.

Ikinaila rin ng depensa na taktika nila ang pagtangging magsumite ng pangalan ng kanilang testigo na layuning patagalin ng husto ang pag-usad ng kaso.

Sa panayam ng mamamahayag kay Ladra, sinabi niya na aabot sa 58-testigo ang kanilang ipiprisinta sa kasong isinampa laban kay Gng. Arroyo, kay dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol.
May karapatan din aniya sila na madagdagan pa ito sa pagpapatuloy ng paglilitis.

Posible rin aniya nilang gamitin bilang testigo si dating Congressman Prospero Pichay dahil isa siya sa dumalo sa pinatawag na pulong sa Malacanang ng dating Pangulo nang atasan si Ampatuan na tiyakin ang 12-0 victory ng kandidatong senador ng kanyang administrasyon.

Itinakdang muli ni Judge Mupas sa Setyembre 13 ang pagmamarka ng mga dokumento na gagamitin ng tagausig bilang ebidensiya.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply