Tigers at Blue Eagles bida sa first round

NAKALUSOT ang University of Sto. Tomas Growling Tigers sa mga matatalim na kuko ng Adamson U Falcons matapos ang 61-60 panalo sa nagaganap na 75th UAAP men’s basketball tournament sa Big Dome, kahapon.

Ipinakita ni Karim Abdul ang kanyang bangis sa postehan ng isalpak nito ang pamatay na puntos may 51.1 segundo na lang ang natitira sa final canto.

Dahil sa panalo ng UST, sumalo sa defending champion Ateneo Blue Eagles ang Tigers sa top spot ng team standings.

Nakalamang ang Falcons sa first half, 33-26 subalit lumabas ang pangil ni Aljon Mariano sa third canto ng simulan nito ang paggising sa opensa ng Tigers para tapyasan sa tatlo, 50-47 ang hinahabol papasok ng fourth quarter.

Nakatuwang din ni Cameroonian center Abdul si Jeric Fortuna sa huling tatlong minuto ng labanan upang itakas ang panalo sa masamang balak ng Falcons.

May tig 12 markers sina Fortuna at Mariano habang walong puntos ang inambag ni Clark Bautista para sa Tigers.

Tangan ng España-based squad UST at Blue Eagles ang 6-1 win-loss slate para manguna sa first round ng eliminations habang solo sa tersero puwesto ang last year’s runner-up Far Eastern U Tamaraws bitbit ang 5-2 karta.

Samantala, nabasag na rin ng UP Fighting Maroons ang matagal na nilang hawak na itlog sa team standings matapos ilampaso ang UE Red Warriors, 63-48.

Umabot sa 15 sunod na pagkakalugmok mula pa noong isang taon ang Fighting Maroons at dahil sa magandang laro ni rookie Henry Salum na may 14 points ay nasama rin sa win-column ang UP.

Parehong nasa ilalim ang UP at UE hawak ang 1-6 panalo-talo karta.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply