Tigilan ang intriga, hatakan pataas

MARAMI sa inyong nagbabasa nito ngayon ay papasok sa opisina, trabaho, o paaralan.  Ang tanong … ganado ba kayong pumasok? Sa paggising n’yo ba ay excited kayong pumasok? O hirap kayong bumangon at kailangan n’yo pang pilitin ang sarili ninyong pumasok?

Napakasarap yata ng pakiramdam na gabi pa lang ay excited ka nang mag-umaga na para makapasok ka na. Hindi po ba?

Kayo? Ganun po ba ang pakiramdam ninyo sa pagpasok ninyo?

O tulad kayo ng karamihan sa atin na hangga’t maaari ay huwag nang mag-Lunes kasi wala nang ganang pumasok sa trabaho?

Iyan ang isang karanasan na ayaw kong maranasan ng mga anak ko dahil hindi dapat ganyan ang buhay. Kadalasan  ito ay dulot ng di magandang workplace or company culture.

‘Yun bang tipong napakaraming intriga sa opisina ninyo na halos lahat ay mukha ng talangka sa kahahatak pababa sa ibang katrabaho.

Pero, naisip n’yo ba … na sa pang-iintriga na ginagawa ninyo sa iba ay parang buong pamilya na niya ang ginagawan ninyo ng masama?

Natural, pag hindi wholesome ang opisina ay apektado ang performance at productivity ng mga empleyado rito. Masdan ninyo ang opisina ninyo mamaya pagdating ninyo. Masaya ba ang atmosphere?

O tila kanya-kanya ang dating?

Mapalad ako na sa unang trabaho ko pa lang sa Philippine Convention and Visitors Corporation (PCVC) ay na-detail ako sa Department of Tourism at mapalad na ma-assign kay Raul Teehankee, Director ng Office of Tourism Information.

Kakaiba itong boss ko na ito dahil sa kanya ko natutunan ang paghahatak ng mga tauhan pataas.

Siya yung tipo na ipakikita at ipaaalam  sa iyo ang iyong galing at abilidad — yung kaya mong gawin.

Ibibida ka pa niya sa iba pang boss para malaman ang iyong kontribusyon sa ginagawa ninyong trabaho.

‘Yung boss mo — ganun ba? Tulad ba siya ni Teehankee na walang insecurities at natural lamang sa kanya ang pag-i-inspire sa kanyang mga tauhan para maging mahusay sa kanilang gawain?

Kaya’t ako ngayon, dala-dala ko ang natutunan kong iyon kay Direk Raul na ang positibo at galing ng tao ang nakikita imbes na ang masama.

Sa lahat ng tinatayo kong organisasyon o kompanya para sa mga kliyente — ang kulturang “Hatakan Pataas!” ang una kong tinuturo at isinasabuhay.

Sa ganung paraan, klaro agad sa lahat ng ka-opisina na hindi puwede ang talangka dito.

Kaya pag-isipan mo rin kapatid … gusto mo bang maging talangka?

O gusto mong maging Teehankee?

Nasa sa iyo na yan kung gusto mong tulungan o pahirapan ang pamilya ng mga katrabaho mo.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply