Todo hataw sa panahon ng kalamidad

GRABE ang inabot ng mga kababayan natin nitong nakaraaang linggo. Parang Ondoy 2 ang tinamasa ng sambayanang Pinoy sa malaking bahagi ng Luzon.

Nakapapangamba talaga na isipin na kahit anong paghahanda ang isagawa nating lahat ay wala pa ring perpektong sistema sa pagharap sa mga ganitong sakuna. Subalit sa harap ng ganitong mga kalamidad, mahirap na hindi maisip na sa dagat nakaangkla ang mga ito.

Bakit ‘kamo? Pwes, una sa lahat ang mga bagyo at pag-ulang dulot ng Habagat ay ‘di kailang galing o nabubuo sa karagatan. Pangalawa, ang pananalasang dulot ng mga ito tulad ng pagbaha at malalakas na pag-anod ng tubig ay suliraning nahahambing sa mga kondisyon sa karagatan. Pangatlo, walang ibang paraan o kagamitang makahaharap dito kundi iyong mga sasakyan at sistemang pandagat.

Nitong nakaraang lingo, nagkaroon ako ng pagkakataong makita ang hirap ng ating mga kababayang nasalanta ng labis na pagbaha.

Subalit nakita ko rin mismo ang hirap at tiyaga ng ating mga rescuer, parkular iyong galing sa Philippine Navy.

Miyerkules ng gabi ako nagpunta sa Aurora Boulevard at ayon sa mga kasama nating naka-duty ay Lunes pa ng gabi sila doon – walang tulog at walang tuyong damit.

Subalit nang tanungin ko sila kung ano ang mga suliranin at isinasaisip nila ay iyong mga kagamitan at pamamaraang kailangan nila upang higit na maging epektibo sa pagligtas ng mga tao ang ibinunyag nila sa akin imbes na mga bagay para sa pansariling kapakanan nila. Nakakabagbag damdamin din talaga.

—ooo—-

Sa puntong ito, sana magkaroon tayong lahat ng malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng ating pagkilala at kaalaman sa mga nagaganap sa ating karagatan. Malaking bahagi ng ating buhay at kabuhayan ang nakasalalay dito at sa pagresponde natin dito.

Kasabay nito ay isang malugod na pagbati at saludo ang ipinaaabot ko sa mga tauhan ng ating Hukbong Dagat na walang tigil sa pagtulong sa ating mga kababayan. At sa ating mga kapatid d’yan, isa po na namang pakiusap para sa inyong patuloy na pagsuporta at pagtulong para sa inyong Hukbong Dagat.

Kaya natin yan Pinoy!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply