UAAP basketball: Tigers sumiksik sa unahan

SUMINGIT ang University of Sto. Tomas Growling Tigers sa top spot matapos nilang laplapin ang UP Fighting Maroons, 68-58 sa nagaganap na 75th UAAP men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum kahapon.

Matapos matalo sa unang laro sa opening day ng liga ay tumikada ng limang sunod na panalo ang Tigers upang samahan sa liderato ang defending champion Ateneo Blue Eagles at Far Eastern University Tamaraws bitbit ang 5-1 win-loss slate.

Halos nanlalata ang mga player ni coach Pido Jarencio sa unang tatlong period dahil masasama ang kanilang opensa subalit sa huling canto ay nagising at naging mabalasik ang mga Tigers para takasan ang naghuhuramentadong Fighting Maroons.

Bumira si Karim Abdul ng 20 puntos at 12 rebounds habang 12 at 11 ang kinamada nina Clark Bautista at Kim Lo ayon sa pagkakasunod.

Sa unang laro ginilitan ng UE Red Warriors ang Adamson U Falcons, 71-66 upang ipinta ang unang panalo ng una.

Samantala, nais tapusin ng UST ang first round elims sa pagsagpang sa Falcons sa Linggo upang manatiling nasa tuktok ng liderato.

Isa lang sa Blue Eagles at Tamaraws ang mananatili sa unahan dahil nakatakda silang magharap bukas sa nasabing venue.

Tabla sa sixth to seventh spot ang Red Warriors at Falcons hawak ang 1-5 record habang bokya pa rin ang Fighting Maroons sa anim na laban.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply