Umaasang matino si Sereno at salamat kay Robredo

MALAKI ang pag-asa ng mamamayan sa bagong talagang pinuno ng Korte Suprema na si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Bukod sa siya ay nasa 52 anyos na gulang pa lamang at pinakaunang babaeng natalaga bilang pinuno ng Korte Suprema ay dala niya ang pag-asa ng administrasyong Aquino na ibabangon niya ang nawalang dangal at dignidad ng Kataas-taasang Hukuman sa bansa.

Marami ang nagsasabing tama ang choice ni Pangulong Noynoy Aquino sa ginawa nitong pagpili kay Sereno kaya’t ito ngayon ang dapat patunayan ng bagong katatalagang pinuno ng Korte Suprema.

Sangkatutak na reporma ang dapat gawin ni Sereno sa Kataas-taasang Hukuman at ilan na rito ang usapin ng suhulan sa mga huwes, ang usapin ng pagkatagal-tagal na paggulong ng hustisya sa bansa, ang kakulangan ng matitinong huwes at mahistrado at ang mga bulok na korte ‘di lamang sa Kamaynilaan kundi lalo’t higit sa kanayunan.

Maging ang sistema ng bulok na hustisya ay dapat ding pagtuunan ng pansin ni Sereno dahil dito namimirati ang usapin sa pagitan ng mayaman at mahirap.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng madla na marami sa mga nakakulong sa ating mga piitan ang biktima ng kawalang hustisya dahil na rin sa kawalan nila ng kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili dulot ng kamangmangan at karukhaan.

Dapat ding maging aral kay Sereno ang nangyari kay dating Punong Mahistrado Renato Corona na kung saan nabulgar sa taumbayan ang yaman nito, pati na rin ang pagkiling sa mga maling gawi ng dating pinuno ng bansa na si Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang mga aspetong nabanggit ang dapat unahin ni Sereno at kapag nagawa niyang lahat na baguhin ito ay tiyak na sasaludo sa kanya ang mamamayan na matagal-tagal na rin namang uhaw sa matinong sistema ng hustisya sa bansa.

Dapat ding pakatandaan ni Sereno na siya ay maglilingkod na sa bansa at mamamayan nito at hindi sa Pinuno ng republika na nagtalaga sa kanya bilang Punong Mahistrado.

###

Bukas ay ililibing na sa Naga City si Kalihim Jesse Robredo.

Baon at alaala na ng mamamayan ang kanyang magagandang halimbawa at ipinakitang matitinong pamamalakad sa pamahalaan.

Kagaya nga ng hiling ng kanyang butihing kabiyak na si Atty. Leni na sana’y magbunga at yumabong pa ang mga magagandang itinanim ni Sec. Jesse sa mabuting pamamalakad lalo na sa lokal na pamahalaan.

Hindi biro ang ginawa ni Robredo sa bayan kaya’t dapat natin siyang saluduhan dahil naging ehemplo siya ng taumbayan sa matinong at simpleng pamamahala ng isang public servant.

Marami pa sanang Robredo na dumating sa pamahalaan dahil ito ang kailangan ng Pilipinas upang tayo’y bumangon sa tanikala ng kurapsyon na nagbunga na rin ng malawakang kahirapan.

Secretary Jesse, salamat at paalam!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply