Uminom ng malinis na tubig – DOH

NAGPAALALA ang Department of Health (DOH) sa publiko, partikular ang mga nasa evacuation centers, na tiyaking malinis ang kanilang iinuming tubig.
Ang paalala ay ginawa mismo ni Health Secretary Enrique Ona kasunod ng posibleng kontaminasyon ng tubig dahil sa malakas na pag-ulan at pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Ayon kay Ona, tiyak na makakakuha ng sakit ang sinumang makakainom ng hindi ligtas na tubig.

Hinimok rin ng kalihim ang publiko na gumawa ng mga hakbang upang matiyak na ligtas ang kanilang iinuming tubig sa pamamagitan nang pag-purify at pagpapakulo dito.

“Water must be purified to ensure that it is clean and fit for human consumption. Water that is not safe to drink can make you sick from a few hours or up to several weeks after taking it,” anang kalihim.

Hindi lamang naman, aniya, ang inuming tubig ang dapat na tiyaking malinis kundi maging ang ginagamit sa paghahanda ng inumin, pagluluto, pagsesepilyo, paghuhugas ng kamay at mukha, paghuhugas ng kamay bago kumain at paglilinis ng mga gamit na gagamitin sa paghahanda ng pagkain upang maiwasan ang pagkakaroon ng outbreak ng diarrhea.

“Clear water is not necessarily safe to drink. Purifying it by boiling or disinfection will make it potable,” dagdag pa ni Ona.

Nagbigay rin si Ona ng mga gabay sa pag-purify ng tubig na kinabibilangan ng paggamit ng malinis na tela o coffee filter upang salain ang tubig na lumalabas sa gripo.

Kung malabo ang tubig, maaaring patiningin muna ito ng kalahating araw bago kuhanin ang malinis na tubig at saka ito salain.

Dapat ring pakuluan ang tubig ng hanggang dalawang minuto upang mapatay ang mga germs na maaaring taglay nito. Ang pinalamig na pinakuluang tubig ay maaari agad gamitin. Maari naman umano maalis ang hindi magandang lasa nito sa pamamagitan nang paglilipat-lipat dito ng lalagyan o di kaya’y paglalagay ng kaunting asin o powdered juice.

Maaari ring gumamit ng dalawang patak ng 5% chlorine solution (unscented bleach) upang i-disinfect ang isang litrong tubig na hindi inilagay sa refrigerator. May nabibili umanong chlorine tablet para sa pag-purify ng tubig at may mga chlorine solution rin na available sa mga health centers at evacuation centers.

Samantala, nanawagan ang kalihim sa mga local government units at mga relief mission na tiyaking mabibigyan ng malinis na tubig ang mga tao sa mga evacuation center.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply