Unfair nga ba ang JBC?

NATANGGAP na ni Pangulong Noynoy Aquino ang medyo mahabang “short list” ng JBC na naglalaman ng walong finalist sa pagka-Chief Justice ng Korte Suprema. Pero hindi naitago ni PNOY ang kanyang pagkadismaya sa listahan at sinabi niya na hindi siya kuntento sa mga nakalistang pangalan at sinabi pa niya na “unfair” ang Judicial and Bar Council (JBC).

Kaya lang no choice si Presidente at ang pangpipilian na lang niya ay ang mga sumusunod: Acting Chief Justice Antonio Carpio, Justices Roberto Abad, Arturo Brion, Teresita de Castro at Lourdes Sereno. Kasama rin sa listahan sina Solicitor General Francis Jardeleza, Ateneo Law Dean Cesar Villanueva at dating Congressman Ronaldo Zamora.

Ibig kayang sabihin ni Pang. Noynoy na wala siyang personal na gusto sa mga napili ng JBC? Mukhang ang preference ni PNOY ay wala sa listahan kaya’t dismayado siya. Sinoman mapili ni PNOY sa walong ito ay hindi siya kuntento at sa tingin niya ay hindi ganap na makatutulong sa kanyang kampanya laban sa graft and corruption. Ganoon kaya ang saloobin ni Presidente?

Bakit ba sinabi ni PNOY na unfair ang JBC? Sang-ayon sa mga balita ay hindi “satisfied” si PNOY sa listahan dahil sa JBC rules pag may disbarment case ang nominado ay automatic disqualified na siya. Ito ang naging problema ni DOJ Sec. Leila Delima dahil may disbarment case siya. Pero bakit daw naman yung ibang nominado na may kaso ay biglang “cleared” at yung ibang walang kaso ay biglang na disqualify?

Ang disbarment case ay isang kasong isinampa laban sa isang abogado at hinihiling na tanggalan siya ng lisensya na makapag-practice ng kanyang profession bilang abogado.

Bakit nga ba ang rules ng JBC ay dapat walang disbarment case ang nominado? Ito bang rule na ito ay sa Chief Justice lang o sa lahat ng nominado para sa mahistrado maging sa RTC, MTC at Court of Appeals?

Bilang abogado, ang nakikita kong rason ay dahil sa ang mahistrado dapat ay isang matinong abogado. Wala siyang ginawang violation ng kanyang sinumpaang tungkulin bilang abogado o ng Code of Judicial Ethics o Code of Professional Ethics. Eh attorney, kung gusto pala natin ma-“knockout” kaagad sa short list ang isang nominado eh napakadaling i-demanda ng disbarment case?

Yan nga ang iniaangal ni Maam Leila. Dapat daw ay ibinasura na ang kasong isinampa sa kanya tulad ng mabilis na pagbasura ng Korte Suprema sa kaso laban kay Acting Chief Justice Carpio. Mukha raw yatang napagkaisahan si Ma’am Leila.

Well, hindi ko alam kung nagkaroon ng laro sa JBC o hindi. Ang alam lang natin ay dismayado si PNOY sa naging proseso ng JBC.

Hindi naman niya sinabi na dismayado siya dahil wala sa listahan si Ma’am Leila pero parang ganoon na rin ang dating.

Pero sana naman, kung dismayado si PNOY sa JBC ay huwag naman sa mga finalist sa short list. Wala namang kasalanan ang mga nominado sa pagka-disqualify ni Ma’am Leila.

Mahuhusay at mapagkakatiwalaan din naman ang ibang pangalan sa shortlist. Di ba’t nais nating mabago ang “imahe” ng Korte Suprema matapos mapatalsik si dating Chief Justice Renato Corona? Kung ganoon pa rin ang gusto ng Pangulo at hindi dahil gusto niya na bata niya ang maging Chief Justice, sana naman ay buo pa rin ang tiwala niya sa kanyang mapipili at hindi dahil wala na siyang mapagpipiliang iba. Ang mahalaga ay maitaguyod natin ang dakilang Korte Suprema.

Para kay Ma’am Leila naman, pwede pa rin naman siyang maging Justice ng Supreme Court.

Hindi bilang Chief agad kung hindi bilang isang associate justice at sa paglipas ng panahon, bata pa naman si Ma’am Leila at mararating din niya ang pagiging Chief Justice.

Yun nga lang hindi na marahil si PNOY ang mag-aappoint sa kanya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply