Update: Kamara, nagluluksa sa pagpanaw ni Rep. Escudero

NAGDADALAMHATI ngayon ang buong Kamara sa pagpanaw ni Sorsogon Rep (1st District) Rep. Salvador “Sonny” Escudero sa sakit na colon cancer.

Sinabi ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na nakausap na niya si Senador Chiz Escudero at ito ang nagbigay ng kumpirmasyon na pumanaw na ang kanyang ama kaninang alas 3:30 ng madaling araw sa kanilang tahanan sa Sunville Subdivision sa Quezon City.

Ayon kay Gonzales, malaking kawalan si si Rep. Escudero sa Kamara dahil ito ang epitome ng isang mambabatas na napakasipag, matalino at tumutupad sa kanyang mandato.

Hanggang sa mga huling araw nito ay ginusto umano ni Escudero na tumupad ng kanyang trabaho at sa katunayan, nakita pa itong dumalo ng sesyon noong nakaraang linggo bagama’t naka-wheelchair.

Sinabi ni Gonzales na si Escudero ang dapat na gayahin ng mga kongresista sa pagiging responsible.

Si Escudero, kahit noong malakas pa ito, ay siyang taga-kalampag sa mga kongresista sa tuwing walang quorum sa plenaryo.

Ang namayapang kongresista ay nasa kanyang ikalawang termino at chairman ng Basic Education and Culture Committee, Vice Chairman ng Food Security Committee at miyembro ng pitong iba pang komite.

Ang mga labi ng kongresista ay ilalagak sa Mt. Carmel sa New Manila.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply