UPDATE: Labi ng Air Force pilot nasa VAB; bibigyan ng full military honors

NASA Villamor Air Base (VAB) ngayon sa Pasay City ang bangkay ng pilotong nawala noong Mayo nang bumagsak ang sinasakyang trainer plane sa karagatang sakop ng Mariveles, Bataan.

Kinilala ang biktima na si Major Neil Tumaneng, na narekober pero wala na ang ulo nito.

Nakilala ang bangkay ni Tumaneng batay sa name plate nito sa kanyang pilot uniform at pangalan sa kanyang sea cap.

Natagpuan din ang parachute na ginamit niya noong nag-crash ang eroplanong SF 260 FH  at nakasuot pa rin sa bangkay.

Isa si Major Tumaneng sa dalawang piloto ng bumagsak na eroplano sa Bataan galing ng Sangley Point sa Cavite noong Mayo 18.

Gayunman, hindi pa rin natatagpuan ang kasama niyang si First Lieutenant Michael Arugay, isang trainee at ang nagpapalipad umano ng eroplano.

Kagabi, isang misa ang idinaos sa Villamor Air Base habang ngayong umaga naman dadalhin ang labi ng piloto sa kanyang hometown sa Pangasinan.

Sa Sabado naman nakatakdang ihatid sa huling hantungan si Tumaneng kasabay sa kanyang ika-33 kaarawan.

Natagpuan ang labi ni Maj. Tumaneng na nakasuot ng Philippine Air Force uniform sa karagatan sa pagitan ng Corregidor at Mariveles Linggo ng alas-3:00 ng hapon.

Sinabi ng Bataan police na nakita ni Apolinario Felix, kapitan ng fishing vessel Bakery ang labi na palutang-lutang lamang.

Ayon kay Col. Miguel Ernesto Okol, tagapagsalita ng Philiipine Air Force na bibigyan nila ng full military honors si Tumaneng sa Libingan ng mga Bayani.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply