UPDATE: Pagsabog ng bus sa Zambo City, ibinibintang sa ASG

KAGAGAWAN umano ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang pagpapasabog ng isang pampasaherong bus sa Zamboanga City nitong Huwebes ng gabi na ikinasugat ng 6 katao, ayon kay Zamboanga City Police Director Senior Supt. Jaime Mejia.

Dahil dito, sinabi ni Mejia na itinaas na agad ng kapulisan sa lunsod ang police alert level sa high status.

“Based on the description provided by the bus passengers and the bus personnel, descriptions fitted that of the people we are hunting down are members of the Abu Sayyaf Group,” pahayag ni Mejia pero humingi agad ng paumanhin dahil inaalam pa lamang ng mga police investigators ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek.

Anim katao, kabilang ang 2-anyos na si Mark Owen Palomar, ang nasakatan sa naturang bus explosion sa Guiwan village sa Zamboanga City dakong alas 9.40 p.m. Ang iba pang sugatan ay sina Rolando Padilos, Sheryl Posadas, Resis Gatchalian, Daniel Palanas, at Rochelle Sumpo. Isinugod ang apat na mga biktima sa Western Mindanao Medical Center habang ang dalawa naman ay sa Zamboanga Medical Center.

Makaraan naman ang halos isang oras, isa pang pagsabog ang naganap sa Suterville pasado alas 11p.m.

Naganap ang pagsabog malapit sa isang mosque at police detachment pero wala namang nasaktan.

Sa pagsisiyasat, itinanim ang improvised explosive device ng dalawang suspek sa hulihang bahagi ng upuan ng Rural Transit bus na may body number na nagmula sa Pagadian City.

Sinabi ng pulisya na sumakay sa naturang bus ang mga suspek sa Barangay Culianan at bumaba bago dumating ng Yubengco Mall sa Barangay Putik.

Sinabi ni Mejia na sumabog ang bomba habang ang bus  ay papalapit sa kanto ng Atilano Loop sa Guiwan barangay na malapit na sa bus terminal. Nawasak ang hulihang bahagi ng baggage compartment ng naturang bus.

Nangangalap pa ang Crime Lab at EOD personnel ng mga ebidensya para malaman kung anong klase ng bomba ang ginamit ng mga suspek.

Sa naganap na pagsabog naman sa Suterville, sinabi ni Mejia na nakarekober ang mga police investigators ng kongrektong pako.

Bago ang pagsabog, sinabi ni Mejia na nakatanggap sila ng intelligence report na may plano ang ASG na pasabugin ang vital installations sa Zamboanga City “ during and after the end of Ramadan.”

Sa pagitan ng 2 pagsabog, sinabi ni Mejia na inilikas na rin nila ang mga titser sa Licomo Island nang iniulat na may nakitang armadong kalalakihan na mula sa kalapit na lugar sa Zamboanga Sibugay.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply