Urong sulong

SIMULA pa noong Disyembre 2011 itinaas ng pamahalaan sa Alert level 4 ang mandatory repatriation para sa mga kababayan nating nasa Syria.

Mga bihasang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ipinadala sa Syria upang magtulong-tulong na maiuwi ang mga kababayan natin na mas maraming nakapasok doon ng illegal. Mga opisyal na sanay na sanay na sa pakikipagnegosasyon sa mga panahon ng giyera.

Kamakailan, muling ipinadala ang Rapid Response Team o RRT na binubuo ng anim (6) na miyembro nito mula sa DFA, DILG, PNP, DOLE-OWWA, sa mas pinaigting na misyon ng pamahalaan na iuwi ang ating mga kababayan ng ligtas sa kanilang mga pamilya.

Gayong pumayag na rin sana ang pamahalaan ng Syria na huwag nang pagbayarin ang ating pamahalaan para sa ginasta ng mga employer nila sa pagkuha sa ating mga kababayan, mukhang hindi pa rin naging madali na mapapayag mismo ang ating mga kababayan na bumalik na sa bansa.

Sa panayam ng Radyo Inquirer 990 AM kay Administrator Carmelita Dimzon ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), sinabi niyang nakalulungkot ‘anyang urong-sulong pa rin ang marami nating mga kababayan kung nais nga ba nilang umuwi o hindi sa bansa.

Dagdag pa ni Dimzon, gayong nakapag-parehistro na sila sa embahada ng Pilipinas, nakausap na ang mga employer, naisaayos na ang kinakailangang mga dokumento, nakakuha na ng booking at plane ticket, na sinagot naman lahat ng pamahalaan ang mga gastusin, saka sasabihin ng OFW na ayaw na niyang umuwi at magpapaiwan na lamang ito sa Syria.

Ngunit ang mas masaklap pa nga, babalik na naman kinabukasan ang OFW para sabihing uuwi na lamang siya! Saan naman kaya lulugar ang ating pamahalaan kapag ganito nga naman ang mga pag-uugali ng ating mga kababayan? Mahilig yata talaga tayong sumayaw ng cha-cha, atras-abante, palaging urong sulong!

***

OFW walang suweldo sa Jeddah

LUMAPIT sa Radyo Inquirer 990 AM si Maribel Infante para sa asawang si Jerry na nasa Jeddah, KSA. Walong (8) buwan na itong hindi nakakatanggap ng kanyang suweldo at nais na lamang umuwi ng bansa. Agad na inilapit ng Bantay OCW sa POEA ang reklamo at binigyan ng 15-day notice ang LC Manpower Expertise Corp. na asikasuhin ang pagpapauwi kay Jerry at magpadala ng plane ticket nito.

Ngunit ayon naman kay Assistant Labor Attache Alejandro Inza Cruz ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Jeddah, nang makausap niya si Jerry at employer nito, sinabing nade-delay lamang ang pasuweldo kung kaya handa namang tapusin ni Jerry ang kontrata. Muling nakiusap si Maribel na pauwiin na lamang ang asawa. Gayong hawak na ni Jerry ang kanyang exit visa hindi pa ibinibigay ng kanyang amo ang passport nito hangga’t wala pa siyang plane ticket.

Ngunit ayon naman sa ahensiya nito, nakapagpadala na sila ng ticket sa ating OFW. At dahil sa bantay sarado ng Bantay OCW ang reklamong ito, walang nagawa ang amo kundi pauwiin na nga ang ating OFW. Ang magandang balita, nakauwi na  si Jerry noong Hulyo 26, 2012.

***

May among rapist

ABRIL 18, 2012 nang dumating si Violeta Samano sa Pilipinas mula Oman at minamaltrato ng among babae kung kaya’t hindi nito natapos ang kanyang kontrata. Dinala pa siya sa Dubai at muntik pa itong gahasain ng kanyang pangalawang employer. Notorious na rapist pala ang naturang amo. Nagpasya na lamang siyang umuwi at nais makuha ang isang (1) buwang sahod.

Agad na nakipag-ugnayan ang Bantay OCW kay Atty. Alejandro Padaen, Direktor ng Adjudication Division ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Matapos ang hearing sa tanggapan ni Atty. Ramon Lusterio bilang Overseas Employment Adjudicator ng Docket Section laban sa Shahara International Manpower Services na kanselado na ang lisensya nito mula pa noong Oktubre 2011, naibigay na rin kay Violeta ang halagang napagkasunduan ng dalawang panig, sa loob ng 3 linggo lamang.

***

Trabaho ba sa barko ang hanap mo?

KAHIT hindi seaman, puwede rin kayong magtrabaho sa barko. Iyan ang panawagan ni Capt. Ronaldo Enrile, Vice President for Operations ng PTC (Phil Transmarine Carriers Inc.)

Para sa Royal Carribean Cruise Lines, kailangan ng Commis (Commi 1, 2 & 3)  Pastry Cook, Sushi Cook, Baker, Pantry Cook, Ice Carver/Buffet Decorator, Butcher, Storekeeper, Tailor, Pool Attendant, Linen Keeper, Asst. Gallery Operation Manager, 
Junior Engineman, Junior Seaman, Facilities Repairman, Deck Repairman
, Engine Repairman, Facilities Upholsterer, Facilities Carpenter, Facilities Handyman, Asst Refrigeration, Technical Storekeepers, Amos Incinerator Man, Security Guard, Celebrity Oiler, Fitter Welder, Fitter Turner, Fitter Airconditioning, Fitter Engine.

Para naman sa mga Cargo vessel, kailangan pa rin ng mga Captain, Chief Mate, 2nd Mate, 3rd Mate, Engineers, Electrical Officers at Able Bodied Seamen.

O ano pang hinihintay ninyo mga kabayan? Magdala ng mga kinakailangang dokumento at magtungo sa Bantay OCW program sa Radyo Inquirer studio sa MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City, tuwing araw ng Huwebes, 12:30-2:00 p.m. sa aming Seafarer’s Hour.

Regular nating kasama ang ating mga Kabalikat ng Marino na sina Leo Santiago, Atty. Dennis Gorecho at Capt. Ronaldo Enrile. Hihintayin po namin kayo!

Susan Andes, aka Susan K. is on board at Radyo Inquirer 990 dzIQ AM,
Monday to Friday 12:30-2:00p.m. with audio/video live streaming: www.dziq.am.
PTV 4 Fridays 10:15-11:15pm  Hotlines:  535-7209/881-9423/0920-968.4700.
E-mail:  susankbantayocw@-yahoo.com/bantayocwfoundation@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply