Video-karera talamak sa Valenzuela City

NITONG mga nakalipas na araw ay naglibot ang Lily’s Files sa Metro Manila, partikular na sa area ng CAMANAVA, kung saan ay ating nakita  ang  napakaraming video-karera sa lugar ng Valenzuela City.

Talagang pulido ang pagka-kalagay ng video-karera machine dahil nakabaon pa ang mga ito sa semento at sa labas naman ay nakatakip ang mga kandado at sa ‘di kalayuan ng pinagbaunan ng makina ay may look-out pa.

Ilan sa mga barangay riyan sa Valenzuela City na may napakaraming video-karera machine ay ang Karuhatan ni Brgy. Chairman Boy Caco; sa may  De Gula Comp,  Diam St., Brgy. Gen. T. De Leon ni Brgy. Chairman Bong Ferrer at sa mga barangay ng Parada, Malinta at Malanday kung saan ay sinasabing isang nagngangalang Rey Recto ang umano’y operator nito.

Ang nakatawag-pansin sa akin dito ay puro kabataan ang mga naglalaro at walang pakialam dito ang mga opisyal ng barangay at maging ang ating mga kapulisan na nagpapatrulya sa mga nasabing lugar at nakikita nila ang sitwasyon.

Valenzuela City Mayor Win Gatchalian at Valenzuela City Police Chief Sr. Supt. Wilben Mayor, mga sir, ‘wag kayong magbubu-lag-bulagan sa inyong nakikitang mga iligal diyan sa inyong lugar.

Alam ko pong nakatimbre sa inyong tanggapan ang mga video-karera machine na yan. Ang sa akin lang po sana ay huwag n’yo namang payagang malulong ang mga kabataan diyan sa sugal na yan dahil kawawa naman ang kanilang  mga magulang na nagpapakahirap magtrabaho maitaguyod lang ang kanilang mga anak.

Noong nakalipas na araw ng Lunes kung saan ay suspendido ang klase dahil sa pananalasa ng bagyong Gener ay nasaksihan  ng aking dalawang mata ang mga batang naglalaro ng video-karera machine sa likod ng sakayan at bilyaran  sa may Brgy. Karuhatan kung saan ay ilang hakbang lang ang layo nito sa barangay hall.

Matagal na raw itong inire-reklamo ng mga residente  ngunit  bingi at bulag dito ang lokal na pamahalaang lungsod maging ang pamunuan ng Valenzuela- PNP at  Barangay officials.

Kung hindi ito kayang sug-puin ng Valenzuela-PNP, dapat na sigurong kumilos dito ang IG ni  Gen. Charles Calima, CIDG  Chief Gen. Samuel Pagdilao at NCRPO Chief Gen. Alan Purisima.

Bukas po ang Lily’s files Column natin para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento. Mag-text lang po sa 09155683000 at 09087230036 o kaya ay mag-email lang sa lpr_2012@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply