Walang dam na makababaha sa Marikina

WALA pong dam na makaaapekto sa taas ng water level ng Marikina River!

Ang Wawa Dam ay matagal nang hindi operational. Ang ibig sabihin nito, hindi na siya nag-iimbak ng tubig. Ang La Mesa Dam naman po sa may Fairview at Lagro ay sa Tullahan River ang bagsak ng tubig nito kaya ang Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) ang binabaha tuwing umaapaw ito.

Ang Angat Dam at Ipo Dam naman ay sa Bulacan ang spillway kaya malayo sa atin ito.

Mangyari kasi na nagpanic ang mga residente ng Tumana, Nangka at Sto. Nino noong pang-apat na araw ng pagbaha (Biyernes, Agosto 10) dahil sa balitang nabiyak ang Wawa dam at malulubog ang Marikina.

Ito ay pinakalat sa pamamagitan ng text messages at word of mouth. Nagtakbuhan tuloy ang mga residente papunta sa mga evacuation center at matataas na lugar.

Hindi mo rin masisisi ang mga tao kasi sa biglaang pagtaas ng tubig sa ilog. Mula 14.7 meters above sea level noong 2:30pm, tumaas ito hanggang 17.5m ng 10:25pm. Sa loob ng walong oras ay tumaas ito ng 2.8m. Pero ang matindi ay ang rapid rise nito sa mga oras ng 5-8pm kung saan ay nadaragdagan ng isang antas kada 5-10 minuto.

Ang talagang nangyari rito ay ang tinatawag na “embudo effect” —  kasi, torrential o todong buhos ang ulan sa Mt. Oro sa Montalban noong mga oras na yon at nang bumaba ang limpak-limpak na tubig na ito — tiyempo naman na dalawa lang mula sa walong (2 out of 8) floodgates ng Manggahan Floodway ang nakabukas kayat kitil ang daloy ng ilog.

Isipin niyo na lang ang embudo para madali ninyong ma-imagine ang nangyari. Natural, di nito kinaya ang volume ng tubig at nag-backflow ito. Ang epekto nito ay ang mabilis na pagtaas ng water level sa Marikina River. Agad namang pinabukas ang mga natitirang floodgates hanggang sa lahat na ng walong gates ang bukas.

‘Di agad-agad ang epekto nito kaya umabot pa sa 17.5 meters ang water level hanggang sa nag-simula na itong bumaba bandang 11:46 ng gabi.

Ang 2.8m na itinaas ng Marikina River ay tulad din ng 2.8m na itinaas ng Montalban River sa itaas.

Sana malinawan na ang lahat ng Marikenyo tungkol sa isyu na ito para di na tayo maloko ng mga taong walang magawa kahit sa gitna ng trahedya.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply