Water treatment unit para sa flood victims ikinasa ng DOH

NAIS ng Department of Health Center for Health Development – National Capital Region (DOH CHD-NCR) na matiyak na may maiinom na malinis na tubig ang mga biktima ng pagbaha sa Metro Manila kaya’t nagpakalat ito ng mobile water treatment unit na makapagbibigay ng purified drinking water sa mga evacuation center.

Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, angkop ang paggamit ng naturang water treatment facility unit dahil maaari itong agarang makapagsuplay ng malinis at potable na inuming tubig, partikular sa panahon ng emergency, kakulangan sa tubig at mga kalamidad.

“It can be started up and applied on the spot. All you need is to obtain an adequate source of water which the unit can process,” ayon kay Janairo.

Labis naman ang pasasalamat ni Janairo sa provincial government ng Legaspi sa pangunguna ni Governor Joey Salceda dahil sa pagpapahiram nito ng unit para sa mga biktima ng pagbaha sa Metro Manila.

Nabatid na ang naturang mobile water treatment facility unit ay idinonate sa Albay noong 2009 ng Spanish government at pinangangasiwaan ng “Team Albay” sa pamumuno ni provincial health office deputy chief Dr. Nats Rempillo.

Sa ngayon umano ang unit ay naka-deploy sa Malabon upang makapagbigay ng purified water sa mga apektadong pamilya na nananatili sa evacuation center.

Ililipat ito sa iba pang apektadong lugar sa sandaling magkaroon na ng sapat na suplay ng malinis na tubig sa lugar.

Makatutulong umano ang unit sa paghahanda ng inuming at water production process para sa kakulangan ng tubig.

Kabilang sa treatment process na maaari nitong gawin ay oil/water separation, sedimentation, filtration at disinfection.

Kinakailangan lamang na ilagay ang unit sa source ng raw water tulad ng swimming pool, tubig-ulan, ilog na may mild turbidity at deep well o shallow well upang maproseso ito.

Kaya umanong i-proseso ng unit ang hanggang 12,000 litrong purified water kada oras.

Bilang chairman ng Metro Manila Drinking Water Quality Monitoring Committee (MMDWQMC), kaagad namang ipinag-utos ni Janairo ang pagsusuri ng tubig sa mga  sampling points sa mga apektadong lugar upang matiyak na ligtas ang mga ito para inumin. Kyle Gatus

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply